PANOORIN: Paano ang tama ng liquid ecstasy?

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang dalawang lalaking itinuturong supplier ng liquid ecstasy at cocaine sa kinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mandaluyong nitong Huwebes ng gabi. 

Kinilala ang dalawa na sina Lester Almalbez, supplier umano ng ecstasy, at Herald Peñaflor na sinasabing nagsusuplay ng cocaine. 

Narekober pa mula kay Almalbez ang isang cellphone kung saan may video ng isang babae na tila sinasaniban. 

Pero ayon sa PDEA, ganoon ang mangyayari sa isang tao kapag na-overdose sa liquid ecstasy na siyang sinusuplay ni Almalbez. 

“Nu'ng nakita niyo ngayon sa video, hindi na raw siya naaapektuhan ng tablet. In short siguro regular na ang pag-use so tinira niya ngayon ‘yung liquid. Dinagdagan nang dinagdagan. Ayun ang epekto, parang plaka,” ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino.

Sinabi rin ng PDEA na maaring mag-blackout at magkaroon ng memory lapse ang sinumang iinom ng ecstasy, sa loob ng 30 minutos. 

“Parang nagkokombulsiyon na may jerking, maingay. Tingnan niyo ‘yung kanina hinahampas-hampas niya na ‘yung paa niya sa wall,” ani Aquino. 

Babala ng PDEA, kabilang ang liquid ecstasy sa mga klase ng bagong millennial party drugs kung saan pinaghahalo-halo umano sa isang tableta o capsule ang iba't ibang klase ng droga. 

Ganito rin anila ang party drugs na ginamit sa nangyaring summer concert sa Pasay noong 2016 na ikinamatay ng lima.

'Droga mula sa Bilibid'

Deretsahan namang pinahayag ni Aquino ang pagkadismaya matapos malaman na galing umano sa New Bilibid Prisons (NBP) ang pinakasuplay ng mga nahuling suspek. 

Sinabi pa ni Aquino na marami nang bagong player ng droga sa loob ng Bilibid. 

“Kahit magkanda-kuba ‘yung mga pulis natin at saka ‘yung mga ahente natin sa PDEA para anuhin ‘yang isang barangay, useless e, makakahuli tayo [ng] isang tonelada, papasok naman ‘yung siyam na tonelada,” aniya. 

Bagamat malaking tulong para sa PDEA ang pagbabalik ng Philippine National Police (PNP) sa war on drugs, sinabi ni Aquino na hindi pa rin ito sapat para matigil ang suplay ng ilegal na droga.

Nang tanungin naman kung anong nakikitang solusyon, sinagot ng PDEA chief na dapat nang ilipat ang Bilibid. 

“Matagal ko nang sinasabi is wasakin na ‘yung buong NBP at ilipat ‘yan sa isang ideal facility,” aniya. 

Tiniyak naman ng PNP na mas maayos ang magiging implementasyon ng mga programa sa war on drugs sa pagbabalik nila rito. 

Suhestiyon naman ng PDEA, ibahin na sana ang pangalan ng mga slogan sa mga programa kontra droga ng PNP.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.