Pagtingala kapag dumudugo ang ilong, mali: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 05:32 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kadalasang ipinapayo ang pagtingala sa upang mapatigil ang pagdurugo ng ilong pero mali ito ayon sa isang eksperto. 

Sa programang Good Vibes sa DZMM, sinabi ng espesyalista sa ear, nose, and throat diseases na si Dr. Norberto Martinez na maaaring mas makasama pa ang pagtingala kapag nagdurugo ang ilong kaysa makatulong ito. 

“Maling-mali ‘yung tinuturo nung araw na dapat kang tumingala, lalagyan ng yelo sa noo. Mali ‘yun kasi kapag ginawa mo ‘yun, ‘yung dugo [ay] bababa sa lalamunan. So doon mag-uubo-ubo. Siyempre habang nai-irritate tayo, ‘yung ugat parang lalong ginagalit mo siya so magdudugo,” paliwanag ni Martinez. 

Aniya, ang tamang gawin kapag dumudugo ang ilong ay yumuko, ipitin ang ilong, at lagyan ng yelo sa puno ng ilong. 

Ayon kay Martinez, tumitigil ang pagdugo ng ilong kapag ginawa ang nasabing hakbang ngunit kailangan nang magpatingin sa ospital kapag nagpatuloy ito upang mabigyan ng iba pang lunas. 

Samantala, ipinaliwanag din ni Martinez ang karaniwang sanhi ng pagdugo ng ilong.

“Karaniwan ‘yung tinatawag nating benign anterior epistaxis so ‘yung pagdudugo sa ilong, dala lang ng mga ugat na nasa buto ng ilong natin sa gitna. Napakarupok ng mga ugat na ‘yan… Kaunting magbago ang panahon or makalikot ay puwede siyang dumugo,” aniya.

Pero importante pa rin aniya na kumonsulta sa doktor dahil maaaring sintomas ito ng mas malalang sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.