'Matagal na paghihintay para magbuntis matapos makunan, di kailangan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 04:16 PM

Stock photo

Hindi kailangang maghintay nang matagal na panahon para magbuntis muli ang mga babaeng nakunan, ayon sa isang pag-aaral sa Amerika.

Base sa pananaliksik, mas mababa ang tsansang makunan muli ang babaeng nagbuntis matapos lang ang tatlong buwan mula nang magkaroon ng "miscarriage" o "malaglagan" ng sanggol sa sinapupunan.

Hindi rin nangangahulugang mas tumataas ang posibilidad na makunan muli ang babae na minsan nang nagkaroon ng miscarriage.

Ayon sa pag-aaral, 7% ang tsansang makunan muli ang babaeng nagbuntis sa loob ng tatlong buwan mula nang magkaroon ng miscarriage.

Pero nagiging 22% ang tsansang makunan muli ang babaeng nagbuntis matapos ang anim hanggang 18 buwan matapos magkaroon ng miscarriage.

Naging bahagi nitong pag-aaral ang nasa 6,000 babae mula North Carolina, Tennessee, at Texas, mula taong 2000 hanggang 2012.

Sumailalim sa ultrasound ang mga babae para makompirma ang kanilang pagbubuntis sa panahong kasama sila sa pag-aaral.

Ayon sa grupong nagsagawa ng pag-aaral, mahalaga ang datos na lumabas mula rito dahil karaniwang tinatanong ng mga babaeng nakunan sa kanilang doktor kung dapat ba silang maghintay bago subukang magbuntis muli.

Inirerekomenda ng World Health Organization na maghintay ang babae ng anim na buwan bago magbuntis muli matapos makunan.

Pero ayon sa isang mananaliksik, dumarami na ang pag-aaral na nagsasabing mas mainam kung hindi maghihintay nang matagal ang babaeng nakunan para magbuntis muli. 

Gayumpaman, nakasalalay pa rin sa isang babae kung handa na ba siya, sa emotional level, na muling magbuntis.

“If [women] want to try to get pregnant, there’s no need to wait unless they personally want to,” ani Dr. Thomas Price, isang infertility specialist sa North Carolina.

("Kung gusto ng babae [na nakunan] na magbuntis muli, hindi niya kailangang maghintay pa, pero personal niya pa ring desisyon ito.") -- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.