ALAMIN: Mga maling paniniwala sa 'silent killer' na altapresyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 06:29 PM

Nabigyan ng bagong kahulugan ang altapresyon matapos ibaba ng American Heart Association ang ibig sabihin ng 'high blood' sa 130/80 na reading mula sa 140/90.

Nasa 120/80 dapat ang blood pressure (BP) reading upang maituring na normal ang presyon.

Delikado ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo dahil maari itong magdulot ng pinsala sa ibang bahagi ng katawan, gaya ng utak at bato.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, tinalakay ng mga eksperto ang iba't ibang sanhi at maling paniniwala ukol sa altapresyon.

Ayon kay Dr. Deborah Ona, board member ng Philippine Society of Hypertension, ang altapresyon ay "multi-factorial" o mayroong iba't ibang sanhi.

Isa sa mga karaniwang sanhi ay lahi.

Ibig sabihin, "nakaprograma" umano ang isang indibidwal na magka-altapresyon kung may altapresyon ang mga kaanak nito.

Ngunit maaari itong maiwasan kung tututukan ng indibidwal ang kaniyang lifestyle o paraan ng pamumuhay.

"'Pag may lahi ka, you have to be twice as careful on your lifestyle," payo ni Ona.

Madali ring magkaroon ng altapresyon ang isang taong "overweight" o labis ang timbang.

"Kung mataba ka, obese or overweight, you have to go to your ideal body weight ... maintain a healthy living or lifestyle," ani Ona.

Nagdudulot din ng pagtaas ng presyon ang mga taong may bisyo, gaya ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo.

'Walang sintomas'

Nagbabala naman sa publiko si Dr. Alejandro Diaz, isang neurologist, dahil wala umanong sintomas ang altapresyon.

"[Ang paniniwala ng marami] kapag wala silang naramdaman, ibig sabihin, normal ang blood pressure po nila. Mali po iyon," ani Diaz.

Tinatawag na "silent killer" ang altapresyon dahil marami ang walang malay na mayroon na pala silang ganitong kondisyon.

Mahalaga ding ma-diagnose nang maaga ang pagkakaroon ng altapresyon. Maging ang mga bata pala'y maaari nang magkaroon nito.

"Dapat mag-BP tracks from childhood to adulthood," ani Dr. Dolores Bonzon, isang dalubhasa sa kidney o bato sa mga bata.

Ayon kay Bonzon, sakop na ang mga kabataang nasa edad 13 pataas sa mga dapat mapanatili ang presyong mas mababa sa 120/80 reading.

Payo ng mga eksperto, iwasan ang bisyo, at regular na mag-ehersisyo para mapanatili ang malusog na pangangatawan.

Maigi rin ang regular na pag-alam sa presyon ng dugo para nababantayan kung tumataas ba ito o bumababa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.