Trapiko, tsansa para sa pag-unlad ng mag-asawang tindero

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 03:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kung abala para sa marami ang mabigat na daloy ng trapiko, isa naman itong oportunidad para sa mag-asawa na nagtitinda sa mga motoristang ipit sa traffic upang maitaguyod ang kanilang 10 anak. 

Madalas makikita ang mag-asawang sina Marilou at Ronald Makinano sa mga kalsadang mabigat ang trapiko.

Inilalako ni Ronald ang mga bonsai na halaman sa mga motorista habang nagtitinda naman ng sampaguita si Marilou sa Quezon City. 

Bukod pa rito, nagtitinda rin sila ng mga panawid gutom at inumin sa mga uhaw nang pasahero. 

Kuwento ni Ronald, dati siyang construction worker pero baon na sila sa utang bago pa matanggap ang sahod dahil lingguhan ito kaya nag-isip siya ng bagong hanapbuhay kung saan sarili niya ang boss at kalsada ang kaniyang opisina. 

Isang kuwarto ang inookupa ng pamilya nina Ronald at Marilou sa isang bahay sa Barangay Sauyo, Quezon City, kung saan kasama nila ang anim pang pamilya. 

Nag-aaral ang anim sa 10 nilang anak at puno rin ang mga ito ng pangarap. 

“Pangarap kong maging nurse po,” sabi ni Alina.

“Ako naman po, pangarap ko pong maging sundalo para po makatulong sa bansa. Mag-aaral po akong mabuti para matupad iyon,” kuwento ni Benjo.
 
Tumutulong din ang mga anak nila sa pagtitinda sa kalsada kapag walang pasok dahil sa kagustuhang makatulong sa mga magulang. 
 
Abangan ang buong kuwento ng kabuhayan sa gitna ng trapiko sa 'Tapatan ni Tunying' ngayong Biyernes ng gabi, pagkatapos ng Bandila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.