Tsokolateng batirol na patok sa malamig na panahon, paano ginagawa?

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 06:42 PM

Angkop sa tag-ulan at malamig na panahon ang pag-inom ng mainit at umuusok na tsokolateng batirol na tampok sa isang kainan sa San Fernando City, Pampanga. 

Upang makagawa ng sariling tsokolateng batirol, kailangan lamang ng cacao beans, evaporated milk, asukal na pula at puti, at tubig. 

Isasangag muna ang cacao beans saka ito ibababad at gigilingin.

“Iba po kasi ‘yong lasa ng totoong cacao beans saka para ma-check din po kung talagang maganda ‘yung beans. Isasangag po siya... Tapos ibababad siya. Tapos gigilingin na siya,” ani Regina Sandiko. 

Sa naturang kainan sa San Fernando, tradisyonal na pamamaraan ang gamit sa paggiling sa mga cacao beans.

 

Matapos ang unang paggiling, hinahaluan ang cacao ng pulang asukal, saka muling gigilingin.

Uulitin pa ng tatlong beses ang paggiling upang makuha ang pinong cacao paste. 

“Gigilingin po siya [nang] mga tatlong beses po para maging paste po siya,” ani Sandiko.

Kapag tapos nang gilingin, maaari nang pakuluan ang tubog at ihinahalo ang cacao paste, gatas, at asukal. Hahayaan itong kumulo habang hinahalo, saka babatiin gamit ang batirol. 

 

Matapos ito, maaari nang higupin ang tsokolateng batirol na tiyak na magpapainit ng sikmura lalo na sa malamig na panahon.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.