Negosyanteng nasalanta ng 'Yolanda', nakabangon sa online na pagtitinda

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 04:17 PM

Sa kakaunting panindang naisalba matapos bayuhin ng 'Yolanda' ang puwesto sa tiangge ni Vanessa Tinitigan, muling nakabangon at ngayo'y kumikita na ng P100,000 hanggang P300,000 kada buwan ang negosyante mula sa likod ng kanyang cellphone at computer.

Dating nagtitinda ng mga skin care products sa isang tiangge sa Alabang ang 25 anyos na negosyante. Sinasabayan niya rin ito noon ng pagpo-post ng kanyang mga produkto sa Facebook.

Subalit, noong taong 2013, hindi niya inaasahan ang magiging malaking dagok na dala ng bagyong Yolanda sa kanya.

"Nabagyo po kasi kami sa area namin sa Cavite. May bazaar ako noon or tiangge sa Alabang. Tapos outside po kasi siya so tent lang. Dahil sa lakas ng ulan at hangin, 'yong mga paninda ko noon, tinatamaan ng ulan. Tumatapon 'yong paninda dahil sa lakas ng hangin. Pinasok po 'yong bahay namin ng baha. Nandoon po sa baba 'yong items ko, di ko na po siya nasalba," kuwento ni Tinitigan.

Dahil halos lahat ng kanyang mga paninda ay nawala, nasira, o inanod, hindi na siya nakapag-deliver ng kanyang mga produkto sa mga bumibili sa kanya online. Binaha siya ng mga komento na siya umano'y isang scammer. Dulot nito, hindi na siya makaharap sa mga tao kaya't itinigil na rin niya ang pagbebenta sa tiangge at sa Facebook.

Napagdesisyunan niyang makipagsapalaran muna sa ibang bansa, ngunit hindi rin siya pinalad na magtagumpay doon.

Kaya sa kanyang pag-uwi, naisipan niyang ibenta na lamang ang halos 10% natira mula sa mga produkto niyang binagyo.

Ipinost ni Tinitigan sa online buy and sell platform na Shopee ang mga produktong natira. Aniya, wala pang 24 oras ay may mga bumibili na ng kanyang mga produkto.

"Inipon ko po 'yong pera. Araw-araw namimili ako kasi para mapaikot ko siya nang mabilis. Tapos after a month po, na-award-an po ako ng 'Shopee Seller of the month'," aniya.

Nasa P20,000 hanggang P50,000 lamang ang kinikita niya noon, ngunit malaki na raw ito lalo't halos sa wala siya muling nagsimula.

"From nothing po ulit ako noon e. From that time po, nag-research po ako kasi, no'ng nabigo po ako sa abroad, sa skin care po iyon, sabi ko gusto kong magkaroon ng sarili kong skin care brand, saka po para ma-cater sa mga tao yung mura, affordable."

Nagkaroon na rin ng sariling skin care brand si Tinitigan na dumagdag sa mga ibinebenta niya sa kanyang The Purpektion Shop. Lumaki rin nang lumaki ang kanyang kinikita noon sa pagbebenta online, at ngayon ay umaabot ito nang P100,000 hanggang P300,000 kada buwan.

Tips upang umasenso ang online negosyo

Para kay Tinitigan, isa sa naging susi sa kanyang tagumpay sa negosyo ay ang pagpapahalaga sa mga kostumer.

Kailangang kumustahin ang mga kostumer tungkol sa nabiling produkto upang makasiguro rin silang hindi sila niloloko.

"'Yong lagi rin kayong nag-a-update sa shoppers. 'Wag nating i-seen-zone 'yong mga buyers natin," ayon kay Tinitigan.

Dagdag pa niya, mahalaga rin na maganda ang hitsura ng mga produktong ipo-post sa social media.

Mainam din ang tuloy-tuloy na pag-aaral upang mapabuti pa ang negosyo. Dumalo sa mga training at mga conference na kasama ang iba pang negosyante upang makakuha ng mga ideya at tips.

Huli, harapin ang takot nang may tiwala sa sarili at nang may sipag at tiyaga.

"Normal lang pong matakot. Hindi ka po nangangarap nang malaki kung di ka po natatakot. Ang sa 'kin po, sipag lang po talaga at saka tiyaga. Kasi po ako nag-start po ako nang walang puhunan, kung di 'yong sipag at tiyaga lang po. Eventually po, everything will fall into place."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.