Paano maiiwasan ang sexual performance anxiety?

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 05:34 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Mayroong mga tao na kahit na gusto ang kanilang kasama sa pakikipagtalik ay hindi maiwasang mag-isip kung matutugunan ba nila ang pangangailangang seksuwal ng kanilang kapareha.

Ang problemang ganito ay tinatawag na sexual performance anxiety.

Sa programang "Private Nights" ng DZMM nitong Linggo (Agosto 19, 2018), ipinaliwanag ng isang psychologist ang nasabing suliranin at kung paano ito maiibsan.

Ayon kay Eppy Halili Gochangco, karamihan ng nakararanas ng sexual performance anxiety ay kalalakihan.

"Lahat ng problema sa tao, laging kung ano ang iniisip nila eh...When you do something, may iniisip ka. Ganoon din sa sexual performance anxiety," ani Gochangco.

"Minsan iniisip 'Gusto ba ako ng babae,' 'Attractive ba ako,' 'Yung penis size ko ba gusto ng babae'," dagdag niya. 

Ang mga lalaking may nasabing problema ay nahihirapang magkaroon ng erection tuwing makikipagtalik dahil sa labis na pag-aalala at pagkakaroon ng "guilt feelings."

Upang maiwasan ito, payo ng eksperto na kailangang mag-usap at siguraduhin ng mga partido na handa sila bago magtalik.

"I think the solution is communication, dapat pag-usapan nila kung kailan ready silang pareho," ani Gochangco.

"Kapag at the same time parehong excited ang mga tao, it will happen no matter what. Pero kung only one ang ready, 'yon ang kailangan pag-usapan," dagdag niya.

Payo pa ng eksperto, bukod sa sexual performance anxiety ay dapat din na tingnan ang hirap sa pag-erect ng kalalakihan sa iba pang aspetong pangkalusugan.

"It might not be anymore a matter of sexual performance anxiety but because hindi talaga siya nagkakaroon ng erection," ani Gochangco.

"It can also be physical or emotional...heart problems, diabetes, blood pressure problems, dapat talaga pumunta sila sa doctor nila to check," saad niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.