Kuwento, kultura ng mga pangkat-etniko, ibinida sa Kadayawan street dance competition

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 01:03 PM

DAVAO CITY — Nabuhayan ang mga kalsada ng Davao City sa paggalaw ng mga mananayaw na kalahok sa "Indak-Indak sa Kadalanan" street dancing competition.

May 13 grupo ang lumahok sa okasyong bahagi ng taunang Kadayawan Festival ng lungsod.

Ibinida nila ang mga kuwento at kultura ng iba-ibang pangkat-etniko mula Davao region at Maguindanao. 

Ilan sa mga tema ng mga pagtatanghal ay ang pagkakaisa ng mga pangkat-etniko, kabuhayan at ang trahedyang iniwan ng bagyong Pablo sa Mindanao noong 2012.

Umindak ang mga mananayaw sa mga kalsada ng lungsod hanggang sa humantong sa Kadayawan Square para sa grand showdown.

Nagwagi sa Davao school-based category ng "Indak-Indak" ang Davao City National High School, na nag-uwi ng P500,000.

Kalahating milyon din ang natanggap ng Mati Comprehensive National High School na hinirang namang first place sa open category.

Kada Agosto, ipinagdiriwang ng mga Dabawenyo ang Kadayawan festival bilang pagpapasalamat ng masaganang ani. -- May ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.