ALAMIN: Iba't ibang ligtas tips kapag tag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 08:02 PM

Inulan at binaha ang ilang lugar sa Kamaynilaan dahil sa pananalasa ng habagat nitong mga nakaraang linggo. 

Payo ng eksperto, mainam na maging handa bago pa man dumating ang malakas na pag-ulan para makaiwas sa anumang peligro.

Paghahanda sa tahanan

Ayon sa eksperto, suriin kung may kailangang kumpunihin sa inyong tahanan.

“Kailangang tingnan mo kung paano mo siya ma-strengthen. Kailangan bang i-retrofit? Hindi naman kailangang gumastos ka pa. Tingnan mo na lang kung ano pa ang puwede mong magawa,” ani Edgar Posadas, spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Maaari ding magsagawa ng family evacuation drill sa oras ng sakuna.

“Importante ang pag-uusap at pagpaplano as a family,” paalala ni Posadas.

Ilista rin ang emergency at rescue hotlines na maaaring tawagan sa oras ng kalamidad.

Paghahanda ng emergency go-bag

Maghanda rin ng emergency go-bag na naglalaman ng mga pagkain, tubig, at iba pang kagamitan sakaling kailangang lumikas.

"Ito ay ang practical na lalagyan o sisidlan na safe enough or sturdy enough, water resistant enough na puwedeng paglagyan ng mga kailangan nating ilagay," ayon kay Posadas.

"Unang-una, 'yung mga pagkain na madaling buksan. Pangalawa, 'yung tubig. Bilangin mo ang family members mo, dapat maghanda ka for the next 72 hours," dagdag niya.

Kung may kasamang may sakit o nangangailangan ng special needs, ihanda rin ang kanilang mga gamot.

Mainam na tipirin ang baterya ng cellphone para may linya ng komunikasyon ang bawat miyembro ng pamilya. I-charge din ang power bank para may baterya pa rin kahit mawalan ng kuryente.

Maghanda rin ng light source tulad ng flashlight na may ekstrang baterya na puwedeng magamit sa loob ng tatlong araw.

Tubig-baha

Kung mataas na ang baha sa inyong lugar, kargahin ang mga batang ililikas. 

Iwasang ilagay sila sa planggana o batsa dahil maaari itong mabitawan o anurin ng baha.

Kung tatawid sa baha, gumawa ng safety line o lubid na puwedeng kapitan.

Pagmamaneho sa tag-ulan

Dahil basa ang mga kalsada, maaaring makaranas ang mga nagmamaneho ng hydroplaning o ang di buong paglapat ng gulong ng sasakyan sa kalsada.

Payo ng eksperto, mag-menor kapag malakas ang ulan para hindi gumewang-gewang ang sasakyan. Huwag ring diinan ang preno para hindi sumadsad.

Lakihan rin ang distansiya sa mga katabing sasakyan. Kung magkaroon ng aberya sa kalsada, tumawag sa emergency hotlines.

Maaari ring gamitin ang #RescuePH sa social media kung nangangailangan ng saklolo.

Apps

Kung may smartphone, maaaring gamitin ang Project NOAH application para matukoy ang mga lugar na madalas magbaha at kung saan posible ang pagguho ng lupa. 

Makikita rin dito ang pinakabagong ulat-panahon mula sa PAGASA basta’t may koneksiyon sa internet.

Manatili ring nakaantabay sa telebisyon, radyo, at social media accounts ng PAGASA para sa iba pang balita tungkol sa panahon.

Para sa dagdag na ligtas tips, sundan ang “Red Alert” sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.