ALAMIN: Mga paghahandang dapat gawin sakaling bumaha

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 07:07 PM

Binaha ang ilang bahagi ng bansa nitong nakaraang linggo dahil sa halos walang tigil na buhos ng ulan.

Kaugnay nito, ipinaalala ng hepe ng Local Government Monitoring and Evaluation Division ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Elsie Castillo ang mga paghahandang dapat gawin sakaling bumaha. 

Mahalaga aniya na alamin kung bahain ang lugar na tinitirhan at kung gaano kataas ang maaring maging pagbaha rito. 

Planuhin na rin ang mga gamit na dapat iangat sa mas mataas na lugar at ihanda ang ‘go bag’ na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, gamot, at pagkain.

Mainam din aniya na itabi na sa isang lalagyan o ligtas na lugar ang mahahalagang dokumento gaya ng birth certificate, titulo ng lupa, at iba pa. 

Kapag malakas na ang ulan, sinabi ni Castillo na huwag nang lumabas ng bahay at tumutok na lamang sa mga anunsiyo sa radyo o telebisyon habang may kuryente pa.

Pinayuhan din ni Castillo ang publiko na maghanda ng transistor radio na battery operated upang makasagap pa rin ng mga ulat kahit mawalan ng kuryente. 

“Ang bawat tahanan po dapat mayro’n tayong transistor na battery operated. Kung mawala ang kuryente, patuloy pa rin tayong makakasagap ng impormasyon tungkol sa ating kapaligiran,” aniya.

Sakaling tumaas na ang tubig-baha, sinabihan ni Castillo ang publiko na makiisa sa mga namumunong opisyal at kapag pinayuhan nang lumikas, sumunod na.

“Mahirap pong lumikas kapag mahirap nang itawid sa tubig ang affected families,” ayon kay Castillo. 

Kapag naman humupa na ang baha, mainam aniya na huwag bumalik sa kanya-kanyang tahanan hangga’t hindi pa binibigyan ng permiso ng mga awtoridad. Maaari kasing may mga debris pang nagkalat sa kalsada o lubhang maputik pa ito. 

Samantala, upang maiwasan ang perwisyo ng baha, pinapayuhan ang publiko na iwasang magtayo ng bahay sa gilid ng ilog. 

Kaakibat nito, sinabi rin sa lokal na pamahalaan na bantayan ang 'danger zones' sa kanilang lugar. Kapag may nakitang nagpapatayo ng bahay sa mga lugar na peligroso kapag binaha, nararapat aniya na usisain ng mga opisyal at hanapan ito ng building permit. Kapag walang makitang building permit, maaari itong iulat sa city hall.

Bukod dito, mainam din na tanggalin ang bato, lupa, at iba pang basura sa mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbara rito at pagbaha.

“’Yan po ‘yung ating mga drainage. Kasi po kung puno ‘yan ng basura, ng bato, ng lupa, papaano po dadaloy ang tubig? Kapag po tuloy-tuloy ang ulan kahit isang oras lang ‘yan, may possibility na babaha sa kanilang lugar dahil walang dadaluyan ng tubig,” ani Castillo. 

Para naman sa mga nakatira malapit sa kagubatan, mahalaga aniyang magtanim ng puno at ingatan ang kagubatan upang maiwasan ang mga pagbaha. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.