Alamin: Anong dapat gawin kung nasasaktan ang babae tuwing nakikipagtalik

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 11:29 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.


Tinalakay ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang ‘Private Nights’ sa DZMM kung paano maiibsan ang nararamdamang sakit ng ilang babae habang nakikipagtalik.

"Ang dyspareunia ay isang sexual disorder ng kababaihan na kapag nakipagtalik ay masakit ang puwerta," paliwanag ni Marquez.

Binanggit ni Marquez na maaaring isang sanhi ng dyspareunia ang kulang na 'vaginal lubrication' o aniya'y 'wetness' ng ari ng babae habang nakikipagniig.

Dagdag niya, karaniwang nagkakaroon ng natural na lubrication ang babae kapag na-stimulate ang kaniyang 'Bartholin's gland' at 'Skene's gland' na mga sensitibong bahagi ng ari.

"More lubrication, it is a way to protect against sexual pain, para mag-decrease ang pressure sa genitals, so importante iyon na madulas [ang ari]," ani Marquez.

Posibleng magkulang sa lubrication ang babae kung kulang din ang 'foreplay' o ang mga aktibidad na maaaring magpatindi o magpatingkad ng seksuwal na karanasan, bago ang aktuwal na pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae.

Puwede ring magkulang sa lubrication ang babaeng menopausal na.

"Ang problema po, kapag pre-menopausal o menopausal na po ang babae, medyo problema na ang [vaginal] moisture... dahil nababawasan na ang hormone na estrogen," ani Marquez. "So if your estrogen is low dahil ikaw ay menopausal na, then you will have vaginal dryness."

Paliwanag pa ni Marquez, mayroon ding hormone na testosterone ang mga babae.

"So habang nagkaka-edad [ang babae], nawawala na rin po ang testosterone," ani Marquez. "Iyang testosterone ang nagdidikta ng passion, ng desire, ng 'gana' sa pakikipagtalik."

Pero hindi naman kailangang matakot ng babae kung nagkukulang ang kaniyang 'lubrication' dahil mayroong paraan upang maibsan ito.

Payo ni Marquez, gumamit ng lubricant ang babaeng nakararanas ng 'dryness'.

Mainam daw ang water-based lubricant na may kaunting menthol at L-Arginine.

"Para tuloy-tuloy na ang effect sa vulva, dapat mayroong weak menthol [sa lubricant]... it could actually produce more lubrication," paliwanag ni Marquez. "L-arginine [sa lubricant] could actually make the clitoris erect."

Payo rin niya sa mga mister: "Huwag magmadali, dapat mahaba ang foreplay [kay misis]."

Pinakamahalaga rin na may bukas na komunikasyon ang mag-asawa kung nakararanas na ng 'dryness' si misis.

Dagdag pa ni Marquez, hindi rin lang sa pakikipagtalik mahalaga ang vaginal lubrication.

"Iyong wetness sa may vagina will keep the tissue moist and healthy. Kung hindi po siya, walang moisture, dry po 'yon, hindi po healthy 'yon. Mayroon pong tinatawag na healthy bacteria rin doon."

Kapag naman nagpatuloy ang vaginal dryness o ang pananakit habang nakikipagtalik, payo pa rin ni Marquez na magpatingin ang babae sa espesyalista o obstetrician-gynecologist.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.