ALAMIN: Bawal bang makipagtalik bago mag-donate ng dugo?

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 05:21 PM

Mahalaga ang pag-aalay ng dugo upang masiguro na mayroong sapat na suplay nito sa buong bansa. Ngunit, hindi lahat ay maaaring mag-alay ng dugo.

Sa programang 'Lingkod Kapamilya' sa DZMM, sinabi ng medical specialist na si Dr. Melanie Sionzon na kabilang sa mga hindi pinapayuhang mag-alay ng dugo ay iyong mga nakipagtalik sa taong hindi nila lubusang kakilala, gaya ng hindi nila asawa o partner.

“Ang pinagbabawal po talaga natin diyan ay ‘yung tinatawag na casual sex,” ani Sionzon.

Ayon naman sa website ng Australian Red Cross, ito ay upang masiguro na hindi apektado ng HIV ang mag-aalay ng dugo.

Pinayuhan din ang publiko na kapag naghihinala na maaaring apektado ng sexually transmitted disease, huwag munang mag-alay ng dugo at magpatingin sa doktor.

Paniniguro naman ni Sionzon, may questionnaire na sasagutan ang mga mag-aalay ng dugo at susuriin din ang nakuhang dugo upang masigurong ligtas ito upang ibigay sa ibang tao.

Bukod sa mga taong nakikipag-'casual sex', hindi rin pinapayuhang mag-alay ng dugo ang mga anemic.

Maaaring mag-alay ng dugo ang may mabuting antas ng kalusugan, edad 18-65, at may timbang na 50 kilo pataas.

Paglilinaw ni Sionzon, puwede rin namang mag-alay ng dugo ang edad 16-17 kung pinayagan ito ng mga magulang.

Sa mga senior citizen naman, dapat aniya ay wala itong iniinom na maintenance medicine. Kung sakaling mayroon, susuriin din ito ng doktor upang malaman kung maaari pang mag-alay ng dugo.

Bago naman mag-alay ng dugo, pinapayuhan na matulog nang hindi bababa sa walong oras upang maiwasan ang pagkahilo. Dapat din ay kumain ng sapat na agahan, uminom ng sapat na tubig o juice, at iwasan ang mabigat na trabaho.

Samantala, inaanyayahan ang publiko na makiisa sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Blood Donation Project ngayong Hulyo 21 sa ABS-CBN Broadcast Center Studio 8.

Ayon kay Sionzon, mabuti sa atay at puso ang pag-aalay ng dugo. 

Nababawasan din nito ang tsansa ng pagkakaroon ng cancer, ayon sa pag-aaral.

Kabilang pa sa benepisyo ng pag-aalay ng dugo ang mabilis na cell renewal, anti-ageing, at mabilis na paggaling ng sugat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.