ALAMIN: Mabuti, masamang epekto ng isinusulong na 'flash separation'

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 07:59 PM

Isang panukalang batas na magpapabilis sa proseso ng hiwalayan ng mag-asawang problemado sa kanilang relasyon ang isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa panukalang batas na ito, maaari nang magpirmahan na lang ang dalawang partido upang mas mapabilis ang proseso sa pagpapawalang bisa ng kanilang kasal, paliwanag ni Atty. Claire Castro sa programang 'Usapang de Campanilla' ng DZMM. 

Sa kasalukuyan kasi, malaking halaga ang kailangang bayaran at matagal ang prosesong dinaraanan ng mag-asawang nais nang maghiwalay. 

Kung maisasabatas ito, hindi na gagastos nang mahal ang mag-asawa bago mapawalang-bisa ang kanilang kasal. Kailangan na lang nilang magkasundo na maghihiwalay na saka magpipirmahan sa korte. 

Kapag parehong nagdesisyon ang dalawang partido na maghiwalay, hindi na maaaring makialam dito ang hukom. Magsisilbing 'ministerial' na lang ang magiging trabaho ng korte. Ibig sabihin, wala nang karapatang magdesisyon ang hukom sa kagustuhan ng dalawa.

Pero ayon kay Castro, kailangan pa ring maisulong ang pagpoprotekta ng kasal at maisaayos ang relasyon ng mag-asawa imbes na mapadali ang kanilang hiwalayan. 

Aniya, maaaring maging problema dito kung napuwersa na lang ang isang partido na pumirma kahit labag sa loob niya dahil mas mapera o mas makapangyarihan ang asawa. Kailangan umano itong maproteksiyunan ng batas. 

"Kapag kasi ganyan ang nangyari, para hindi basta-basta na mag-decide ang isang party na maghiwalay na lang, dapat may kaakibat itong support," ani Castro.

Kapag sinama umano rito ang batas sa 'separation of properties', maaaring madehado ang isang partido lalo na kung mapera o makapangyarihan ang asawa.

Halimbawa niya, "Kung zero talaga ang naipundar ni babae, dahil housewife siya, wala siyang makukuha 'pag maghihiwalay sila. Sa tingin ko dapat itong aralin sa puntong ito para 'yung isang party na maiiwan, hindi siya ma-ze-zero kahit um-okay siya."

Dagdag ni Castro, kailangan ding malinaw ang ibig-sabihin ng 'happiness' na pinag-uusapan sa panukalang batas.

Para sa kanya, hindi dapat na basta-bastang igawad ng korte ang hiwalayan kung isa lang ang nagsasabing hindi na masaya sa relasyon. Kailangan munang patunayan kung bakit kailangan nilang maghiwalay.

Iba naman ang sitwasyon kung sinasaktan o 'battered' ang isang partido.

"Kapag 'battered wife', tingin ko kahit walang psychologist eh. Tingin ko dapat mas maging lenient ang korte kung ganito ang sitwasyon," ani Castro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.