Tips para maengganyong pumasok sa school ang bata

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 09:36 PM

Tuwing pasukan, isa sa mga nagiging hamon para sa mga magulang ang pagtitiyak na ganadong pumasok sa eskuwelahan ang mga anak.

Kadalasan kasi, sa umaga pa lang, pahirapan nang gisingin ang batang kailangang pumasok sa paaralan.

Mayroon namang tips para maremedyuhan ito, ayon sa guro at family life and child development specialist na si Tina Zamora.

Sanayin ang batang matulog nang maaga

Ayon kay Zamora, kailangang gawin nang regular ang pagtulog at paggising nang maaga para masanay ang 'body clock' ng mga bata, 

Mainam din kung maging modelo ang mga magulang at lahat ng miyembro ng pamilya sa maagang pagtulog.

Ihanda na rin sa gabi ang isusuot ng anak, pati na rin ang kanyang mga dadalhin sa eskuwelahan.

Bago matulog ang anak, ilayo na ang mga gadget at iba pang maaaring magpapuyat pa sa bata upang hindi na niya ito makita at magamit sa gabi.

Dagdag naman ni Zamora, normal na tamarin paminsan-minsan ang mga anak sa pagpasok, ngunit kung halos araw-araw nang nangyayari iyon, dapat nang alamin ang higit pang rason sa likod nito. 

Tingnan kung may sakit o pisikal na dinaramdam ang anak 

Maaaring may nararamdamang sakit sa ulo o katawan ang anak na dahilan kaya nahihirapang kumilos papasok sa eskuwelahan. Mabuting maagapan agad ito. 

Kung wala naman itong enerhiya sa umaga, pakainin o pabaunan ng masustansiyang pagkain ang anak. 

Mayroon din kasing mga batang hindi talaga kumakain nang maaga, kaya mainam na pabaunan siya para makakain sa recess.

“Nagche-change rin ang appetite ng mga bata as they get older, so dapat 'yan talaga, makikilala lang natin ang mga anak natin pag lagi natin silang kinakausap, lagi nating kasama, so dapat ang ipinababaon natin, iyong gusto lang nilang kainin. Huwag lang masyadong maasukal,” payo ni Zamora.

Alamin kung may mas malalim na dahilan ang pag-ayaw ng batang pumasok sa paaralan

Dagdag ni Zamora, kausapin ang anak at subukang alamin kung mayroon ba siyang kagalit na kaklase, o kung siya ba ay binu-bully at madalas umiiyak. 

Makipag-usap sa guro ng anak upang malaman ang kalagayan din ng anak sa klase. Puwede ring sa guro makipag-usap kapag nalamang mayroong di kasundo ang anak sa eskuwelahan. 

"Kapag mayroon kayong problema sa kaklase ng anak ninyo, hindi ninyo puwedeng kausapin ang batang iyon nang diretso. Dahil ang adult, dapat matanda lang din ang kausap ninyo. Nakakatakot naman kung susugurin niyo ang kalaban ng inyong mga anak," ayon kay Zamora.

Puwede rin namang ang pagkakaroon ng exam ang dahilan kaya ayaw pumasok. 

Kung gayon, ipinapayong mas paghandaan ang exam nang maaga, at gawing masaya ang pagre-review. 

"Ang bata talaga natututo kapag laro ang ginamit mo. Pati atensiyon niya nasayo. Pati ang bonding sa magulang, mas lumalakas," aniya.

Maging positibo ang perspektibo tungkol sa pag-aaral at sa paaralan pagdating sa bahay

Hangga't maaari, huwag maging negatibo tungkol sa mga guro, mga kaklase, paaralan, at mga takdang-aralin ng anak. 

“Kung may problema kayo sa mga teacher o sa school, puntahan ninyo ang guro, ang eskuwelahan. Pero kung naririnig 'yon ng mga anak natin, lalo silang di maeenganyong pumasok,” ayon kay Zamora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.