ALAMIN: Safety tips para sa mga siklista

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 06:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Malaki ang tsansang mas malala ang matamong pinsala ng mga nagbibisikleta kapag nasangkot sila sa aksidente dahil lantad ang kanilang katawan habang nakasakay at bumibiyahe, ayon sa isang eksperto sa road safety.

"If you're riding a bicycle, all parts of your body is exposed to the elements," sabi ni Bert Suansing sa panayam ng programang "Red Alert."

Kaya pinaalalahanan ni Suansing ang mga siklista na huwag kalimutang magsuot ng protective gear tulad ng helmet, wrist pad, arm pad, at knee pad.

Mainam ding inspeksiyonin muna ang preno ng bisikleta bago ito gamitin at iwasang gamitin ang paa bilang preno, na ugali ng ibang siklista.

Dapat din ay gamitin ang bike lane, lalo sa mga kalyeng kaliwa't kanan ang mga dumadaang sasakyan.

Kung walang bike lane, huwag masyadong dumikit sa mga kasabay na sasakyan, lalo iyong malalaki tulad ng bus o trak.

Ugaliin ding gumamit ng hand signal kapag tatawid.

"Get the attention of the driver. Make [eye contact to the driver] as much as possible. Make your [intention known]. Kung huminto, that means ina-acknowledge noong driver 'yong intention mo na mauna," ani Suansing.

"Bagaman ang bisikleta ay hindi isang motorized vehicle, they have to follow road rules," aniya.

Huwag din daw gumamit ng earphones habang nagbibisikleta dahil maaaring hindi marinig ang busina ng mga kasabayang sasakyan.

Isa si alyas "Jigs" sa mga siklistang naranasan nang madisgrasya.

Nabalita noong Mayo ang dalawang beses na pagkabundol ni Jigs sa magkaibang sasakyan habang sakay ng kaniyang bisikleta.

Ininda ni Jigs ang unang pagkabundol at dali-daling nagbisikleta palayo pero agad nasalpok ulit.

"'Yong iniisip ko kung makaka-survive ako kasi tumambling ako noon, umikot-ikot ako noon," kuwento ng binatilyo.

"'Yong bike ko yupi buti nalang nandoon 'yong kapitan nila, tinulungan ako," aniya.

--Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.