ALAMIN: Natural na paraan para mapaganda ang mga paa

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 07:11 PM | Updated as of Jul 12 2018 07:53 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Madalas sabihin na ang mga paa daw ang "pinakapagod" na parte ng katawan ng tao dahil bitbit nito ang ating bigat sa buong araw.

Kaya naman tinalakay sa "Umagang Kay Ganda" kung papaano pangalagaan ang mga paa, na madalas ay nagkakakalyo o nagbibitak-bitak ang sakong dahil sa sobrang pagod.

Paliwanag ng aesthetics dermatologist at anti-aging specialist na si Dra. Mariko Naito, pinakadahilan ng pagkakaroon ng hindi kanais-nais na paa ang prolonged standing o matagal na pagkakatayo.

"Kasi mayroon tayong fat pads sa ilalim ng ating mga sakong at kapag parati iyong napipitpit at nadadaganan at dry 'yung skin doon, magbibitak-bitak talaga iyan," ani Naito.

Narito ang mga "home remedies" para mabigyan ng bagong buhay ang mga pagod ninyong paa:

ALOE VERA

• Ibabad ang paa sa maligamgam na tubig sa loob ng 3-5 minuto. 

• I-pat dry at ipahid ang aloe vera gel sa paa o sa sakong. 

• Lagyan ng medyas at iwan ito overnight. 

Ani Naito, kailangan ikulob sa medyas upang hindi mag-evaporate, at ma-absorb ng balat ang aloe vera.

COCONUT OIL

• Hugasan ang paa at ibabad ito sa maligamgam na tubig sa loob ng 3-5 minuto. 

• Pahiran ng 2 kutsarang coconut oil ang sakong. 

• Lagyan ng medyas at iwan ito overnight. 

Kapag meron nang "cracked heels" o dry skin, gamitan lamang ito ng mild at unscented soap.

KALAMANSI AT PETROLEUM JELLY

• Ibabad ang paa sa maligamgam na tubig sa loob ng 3-5 minuto. 

• Paghaluin ang 1 kutsarang petroleum jelly at 4-5 drops ng kalamansi o lemon. 

• Lagyan ng medyas at iwan ito overnight. 

Ang acid sa kalamansi/lemon ay nagpapalambot ng balat at mayroon din itong vitamin C na maaaring makapagpaputi, paliwanag ng dermatologist. 

OVERRIPE BANANA

• Ibabad ang paa sa maligamgam na tubig sa loob ng 3-5 minuto. 

• I-mash ang hinog na saging hanggang sa maging paste ito. 

• Ipahid sa paa ngunit banlawan din matapos ang 20 minuto. 

Ayon kay Naito, mas mainam kung makahahanap ng overripe o hinog na hinog kaysa sa sariwang saging. Ang potassium sa saging ay isang mabisang sangkap upang mapalambot ang balat sa paa, dagdag niya.

Paalala ng doktora, 2-3 beses kada linggo lamang ito gawin at huwag araw-arawin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.