Lipas na nga ba? Retratista sa panahon ng 'selfie'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 08:50 AM | Updated as of Jul 12 2017 09:05 AM

MAYNILA - Android phones o iPhone, hindi kamera, ang makikitang gamit ngayon ng mga namamasyal sa Luneta kapag pumo-pose.

May kumuha ng larawan ng iba, may sarili ang kinukunan, habang may ibang todo-dipa ang bisig sa pagkuha ng group picture.

Ganito sa panahon ng "selfie." Mabilis kumuha, mabilis mag-share, at lahat ng alaala ay diretso sa Facebook, Twitter o Instagram.

Pero sa kabila ng mga pagbabago sa teknolohiya, may mga pumipili pa ring kumuha ng retrato sa makalumang paraan.

Isa na rito si Jose Regarde, 80, mas kilala sa palayaw na Tatay Peping. Siya ang pinakamatandang retratista sa Luneta.

Sa loob ng 5 dekada, halos araw-araw siyang lumilibot sa Luneta para sa mga kustomer na gusto ng nakaimprentang larawan.

Mga turistang dayuhan at mga Pinoy na first-timer sa Luneta ang karaniwang kustomer ni Tatay Peping.

Dati, film camera ang gamit niya pero bandang 2014, bumili na rin siya ng digital na aniya'y mas madali at mabilis gamitin.

"Madali, kalabit ka lang nang kalabit, pitik ka lang nang pitik," ani Tatay Peping.

Dalawang kuha sa halagang P50 ang singil ng matanda sa mga gusto ng souvenir sa sikat na monumento ng pambansang bayani.

Biro pa ng retratista, "bonus" na rito ang kuha ng "pambansang photobomber" sa likod ng monumento ni Jose Rizal.

Dati umaabot sa hanggang P1,000 ang kita ng mga retratista sa Luneta lalo't pista opisyal o holiday.

Pero ngayon, ani Tatay Peping, may mga araw na kung hindi P300 ay wala silang kinikita ni P100.

Sa edad na 80, dapat ay retirado na si Tatay Peping pero mas gusto niya umanong magtrabaho maghapon kahit hirap maglakad.

"Ako naman gusto ko talagang may hanapbuhay ako. Di ako mapalagay na wala akong trabaho," aniya.

Batid ni Tatay Peping na mas madaling mag-upload ng larawan sa social media.

Pero iba pa rin aniya ang mga alaalang naiimprenta, nahahawakan, at nailalagay sa photo album o pitaka.

"Souvenir mo talaga dito kapag may picture ka kasi ilalagay mo sa album. E yung [selfie] mo diyan lang 'yan sa cellphone," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.