Pamilya sa Pasay, inalala ang nakasalong si Anthony Bourdain

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 12:31 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinariwa ng isang pamilya sa Pasay City ang kanilang alaala sa namayapang si Anthony Bourdain nang makasalo nila noon sa isang pananghalian ang celebrity chef.

Taong 2016, magpa-Pasko, nang bumisita si Bourdain sa bahay ng pamilya dela Cruz sa Maricaban, Pasay.

Doon nakatira si Aurora Medina na nagsilbing yaya ng isa sa mga staff ni Bourdain. 

Nakasama niya sa pananghalian ang mag-inang Jhoy at Lashley.

"Pinagluto siya ni Lola ng kare-kare then nagustuhan niya din 'yong shrimp na may bagoong," kuwento ni Jhoy.

Dagdag pa niya, sobrang interesado si Bourdain sa paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino.

"Nag-i-interview siya, tinatanong niya kung ano 'yong life ng mga Pilipino... Sobra, matanong siya," ani Jhoy.

Hindi rin nila malimutan kung paanong binigyang halaga ni Bourdain ang tumatatak sa chef na katangian ng mga Pinoy.

"'Yong mga Pilipino sobra daw matrabaho... Malapit din talaga daw siya sa mga Pilipino dahil yung anak niya yung nanny no'n ay Pilipino," aniya.

Labis na ikinalulungkot ng pamilya dela Cruz ang pagpanaw ni Bourdain na nag-iwan ng magandang alaala kung paanong ang isang bantog na personalidad ay nakisalo sa isang simpleng Pilipinong mag-anak.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.