Publiko, pinag-iingat kontra mga 'usong' sakit tuwing tag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 08:59 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kontra mga sakit na madalas makuha tuwing panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Health Undersecretary Herminigildo Valle, may epekto ang panahon sa resistensiya ng tao.

"The change of weather can cause the immune system to be stressed kaya it's very important na alagaan ang sarili," sabi sa panayam ni Valle.

Ayon kay Valle, dumarami ang mga nagkakaroon ng influenza o trangkaso tuwing tag-ulan bunsod ng madaling pagkalat ng flu virus dahil sa halumigmig at pagbaba ng temperature.

Ilan sa sintomas ng trangkaso ang sipon, lagnat at pananakit ng katawan.

Nagiging problema rin daw tuwing tag-ulan ang mga naiipong tubig o stagnant water na puwedeng pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.

Kabilang naman sa mga sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, pagsusuka, at red spots sa mukha at ibang bahagi ng katawan.

Dahil naman sa mataas na baha, maaari umanong makontamina ang tubig o pagkaing inihahanda, na nagdudulot ng cholera o typhoid fever.

Pagtatae, pagsusuka, at dehydration ang ilang sintomas ng cholera.

Napapabilang naman sa mga sintomas ng typhoid fever ang mataas na lagnat, sakit sa ulo, at pagtatae.

Isa naman sa pinakamalubha umanong sakit tuwing tag-ulan ay ang leptospirosis, na nakukuha sa bahang nahaluan ng ihi ng daga na positibo sa bacteria.

Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, pagdilim ng kulay ng ihi, at pananakit ng katawan.

Dahil sa leptospirosis namatayan ng ama ang dalawang anak ni Mabel Ibañez.

Bahain kasi sa kanilang lugar at madalas umanong lumusob sa baha ang mister nang walang suot na bota kaya kahit pa isinugod ito sa ospital, hindi na naagapan ang kondisyon.

Sa datos ng DOH noong nakaraang taon, 674 ang naiulat na kaso ng leptospirosis sa Pilipinas.

Mula naman Enero hanggang Mayo nitong taon, nasa 954 ang naiulat na mga kaso ng leptospirosis habang 84 naman ang namatay dahil dito, ayon sa DOH.

Ipinapayo ng DOH sa publiko na magpatingin agad sa mga doktor kapag nakaranas ng mga sintomas para agad mabigyan ng lunas.

Maaari ring magpabakuna laban sa trangkaso at tigdas.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.