KILALANIN: Kauna-unahang transgender valedictorian ng PUP

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 07:23 PM | Updated as of Jun 13 2018 06:40 PM

Gumawa ng kasaysayan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang kauna-unahang transgender woman na nagtapos na valedictorian. 

Siya si Ianne Gamboa na nagtapos sa PUP na may degree na Bachelor of Arts in English at isa ring magna cum laude.

Kuwento ni Gamboa, bukod sa mga hamon ng pag-aaral, naging malaking pagsubok din sa kaniyang buhay-estudyante ang pagiging transgender woman.

Gayunman, ginamit niya ito para mapatunayang kapag sinuportahan at tinanggap kung anuman ang gender identity ng isang tao, mapagtatagumpayan niya ang anumang pasukin niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"For me the greatest factors of my success are my supportive family, my accepting professors in PUP, and also my very inspirational classmates," ani Gamboa.

"Hindi naman din po kami galing sa mayamang family... I made my parents proud of me and also their hard work to send me to school, I think that really paid off."

Labis na ipinagmamalaki si Gamboa ng kaniyang amang si Senior Police Officer I Paul Gamboa.

Kuwento ng ama, suportadong-suportado niya hindi lang ang pag-aaral ng anak, kundi pati ang gender identity ni Ianne.

Sumasama pa nga ang pulis sa kaniyang misis sa tuwing bibilhan ng magandang damit pambabae ang kaniyang anak.

"Sa'kin tanggap ko naman po kahit ano'ng maging ano sa sarili niya. Basta ang importante sa 'kin makapagtapos silang lahat," ani SPO1 Gamboa.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umaasa ang pulis na mahihikayat niya ang iba pang magulang na tanggapin din anuman ang maging gender identity ng kanilang anak.

"Ang maipapayo ko lang po kung mayroon din po silang anak na tulad ng anak ko ay tanggapin po nila at ipagmalaki po."

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tulad naman ng kaniyang ama, plano ng bagong graduate na si Gamboa na maging isang kawani ng gobyerno.

"I want to be a public servant... doon ko po talaga mararamdaman ang fulfillment ko as a person and as a citizen of the Philippines," anang valedictorian.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.