Kuwento ng Marawi umugong sa social media

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 07:26 PM | Updated as of May 25 2017 01:11 AM

Tumakbo sa social media ang mga mamamayan para magpahayag ng kanilang karanasan nang maapektuhan ng bakbakan sa Marawi City. Sa social media rin sila nagbahagi ng iba’t ibang kuwento ng takot at pangamba.

Sa social media ipinaalam ng Bayan Patrollers ang kanilang sitwasyon kasunod ng bakbakan ng militar at Maute Group sa Marawi City sa Lanao del Sur.

Sa mga larawang ipinadala ng mga Bayan Patroller, makikita ang nakakalat na mga miyembro ng Maute Group at ang nakataas na itim na bandila sa tapat ng Amai Pakpak Medical Center.

Ikinuwento ni Dr. Hussein Lucman ang naging sitwasyon nila sa ospital kung saan nakita nila ang barilan sa harap ng gusali. 

“I cancelled our clinic tapos umakyat na kami kasi nagbabarilan na pala sila sa harap ng hospital. They left peacefully po, wala po silang ginawa or anything. Basta kung ano lang ‘yung gusto nila na medical assistance, ginawa lang po namin,” sabi ni Lucman. 

Sinunog din ng Maute Group ang Dansalan College at kuwento ng Patroller, umiiyak siya habang nakikitang nagliliyab ang paaralan.

“Nung gumagabi na, sinunog po nila yung sa may Dansalan College. Tapos nagsama sila ng mga teacher. ‘Yung iba po nakatakas po doon sa may bakod. Bale inakyat po ng mga teacher 'yung bakod,” ayon sa Bayan Patroller. 

Naiwan naman sa bahay kasama ng ilang mga bata ang guro na si Noddy Summer.

“The school that they burned is our alma mater. It’s one of the most prestigious school here where most of the Maranaos were educated. Kaya sa sobrang napakamahal sa amin ng eskuwelahan na ‘yan.” 

Ipinadala rin ng isang Bayan Patroller ang larawan ng grupo ng militar sa loob ng Mindanao State University.

Isang oras namang nagtago ang isang Bayan Patroller kasama ang ilang bata sa ilalim ng mesa sa kanilang kusina matapos makarinig ng mga putok ng baril.

"Malalakas po na putok. Minsan nag-e-exchange of fires then malakas na putok. Tapos palapit nang palapit. Tumagos po sa bubong isang bala lang naman din po ‘yun pero nakakatakot pa rin.” 

Sa ngayon, patuloy na naiipit sa gulo ang mga residente sa ilang bahagi ng Marawi City.

Mga kilalang personalidad, nakikiramay sa Marawi

Sa pamamagitan din ng social media, nagpahayag ng pakikiramay ang mga kilalang personalidad kasunod ng bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute Group sa Marawi.
 
Sa kanilang Twitter account, naghatid ng dasal para sa Marawi ang ilang celebrities gaya nina Anne Curtis, Coleen Garcia, Sunshine Cruz, Alex Gonzaga, at Maris Racal. 
 

 

 

 

 

 
Ang host naman na si Bianca Gonzales, may mensahe ukol sa terorismo at nagpahayag din ng dasal para sa Marawi. 
 

 

 
Nalungkot naman ang singer na si Yeng Constantino sa nangyayari sa Marawi at humiling na sana ay matapos na ang gulo. 
 

 

 
Pakikiramay sa Marawi at buong mundo naman ang inihayag ng beauty queens na sina Megan Young at Ariella Arida.
 

 

 
May mensahe rin ang singer na si Jim Paredes para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at nanawagan din siya ng tulong para sa mga taga-Marawi.
 

 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.