Hands-free devices para sa sasakyan, mabenta

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 07:52 PM | Updated as of May 19 2017 10:43 PM

Dahil sa bagong batas na nagbabawal sa paghahawak ng cellphone habang nagmamaneho o kahit nakatigil sa stoplight, mabenta ngayon ang iba't ibang klase ng hands-free devices. Ito ay para matanggap pa rin ang mga tawag at makagamit ng navigational apps. 

Bukod sa earphones, isa sa mga mabenta ngayon ang headsets na ginagamitan ng bluetooth. Wireless ito kaya walang sumasabit sa braso ng nagmamaneho. 

In-demand na rin ngayon ang mga cellphone holder na naikakabit sa air con vent, dahil bawal na ang mga ikinakabit sa windshield o ang mga inilalagay sa ibabaw ng dashboard. 

"Magkakaubusan nito kasi ito naman ang bebenta. Bawal na 'yung dinidikit sa salamin. Hinahanap nila ngayon, sa ilalim. Pang-aircon na," ayon kay Sala Dasilo, nagtitinda ng cellphone holder.

Mabenta ang 'hook-type' holder. Kahit nakakakain ito ng espasyo kapag nakakabit na, maaaring i-adjust ang anggulo ng cellphone ayon sa kagustuhan ng driver. Nasa P120-300 ito, depende sa disenyo. 

Ang clip-type holder naman ay mas mura at mas maliit, subalit halos nakahaharang na sa buong vent ng aircon. 

Bago namang ibinebenta ngayon ay ang magnetic na air vent mount. Maliit lamang ito at madaling ikabit sa air con vent. Gamit ang magnet, didikit ang cellphone, at puwede pa ring i-adjust ang anggulo depende sa nais ng nagmamaneho. Nasa P400-600 naman ang ganitong klase ng holder. 

Masuwerte umano ang Pilipinas dahil pinapayagan pa rin ang hands-free devices, ayon sa Automobile Association of the Philippines. 

"May mga bansa nga like Germany, kahit hands-free, ayaw nila kasi when you're talking on the phone, it seems like you're in cyberspace," ayon kay Gus Lagman, presidente ng Automobile Association of the Philippines.

Mainam din ito dahil maaaring makinig sa mga direksiyong sinasabi ng navigational apps, ayon sa Department of Transportation (DOTr). 

"May speaker ang Waza, ang mga cellphone. Nagbibigay ng prompt ang device even when there is a change in the route. 'Yun po ang feature na puwedeng gamitin," ayon kay Assistant Secretary Leah Quiambao ng Legal ng DoTr. 

May batas man o wala, hindi umano dapat gumagamit ng cellphone ang nagmamaneho, lalo na para nag-text, dahil buhay ng nagmamaneho at ng iba ang nakataya. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.