TINGNAN: Island hopping sakay ng floating cottage

May Diez, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 01:17 PM

Patok na atraksiyon sa mga turista ang floating cottage habang namamasyal sa Tinago Island sa bayan ng Tagana-an sa Surigao del Norte.

TAGANA-AN, Surigao del Norte - Atraksyon sa mga turista ang pamamasyal sa Tinago Island sa bayan ng Tagana-an habang nakasakay ng floating cottage. 

Bukod sa komportable ang pamamasyal, maaaring dito na maghanda ng mga pagkain, magbasa o kaya'y makipagkwentuhan. 

Hila ng isang pump boat ang floating cottage. Habang sakay ng floating cottage, makikita ang magagandang tanawin gaya ng kabundukan at iba't-ibang rock formation. 

Mula sa Katunggan Resort Park sa mismong bayan ng Tagana-an, nasa 30 minuto ang paglalakbay bago pa marating ang Tinago Lagoon na napapalibutan ng mga bundok. Maihahalintulad ito sa sikat na Sohoton sa Socorro, Siargao Islands.

Pinakamainam itong puntahan kapag high tide para patuloy na makapaglayag sa halos 20 maliliit na pulo. Sa ibabaw ng bundok, makikita ang nakamamanghang tanawin.

Bukod sa paglangoy, may water activities din dito gaya ng jetski, banana boat at iba pa.
 
Nasa P2,500 lamang ang arkila ng floating cottage para sa buong maghapon para sa hanggang 15 katao.

Maaaring marating ang Tagana-an sakay ng bus mula sa Surigao City. 

Kung mula naman sa Butuan City, kailangang bumiyahe muna ng mahigit dalawang oras sakay ng bus. Mula sa National Highway, pitong kilometro ang layo nito papasok sa bayan kaya kailangang sumakay ng tricycle na P20 lamang ang pamasahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.