'Sepanx' ng batang papasok sa paaralan, paano maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 10:34 PM

Karaniwang tagpo tuwing pasukan ang mga batang nag-iiyakan sa tuwing papasok na sa paaralan at mawawalay sa kanilang mga naghatid na magulang.

Ang ganitong sitwasyon, ayon sa isang eksperto, ay maaaring halimbawa ng "separation anxiety disorder," kung saan nakakaranas ng pagkabalisa ang isang taong nahihiwalay sa taong nakasanayang kasama o may emotional attachment siya.

Ayon sa psychiatrist na si Cherryrich Cheng, karaniwang nakikita ang separation anxiety, o "sepanx," sa mga batang nasa edad isang taon hanggang dalawa't kalahating taong gulang.

"After that (age) we might consider na hindi na appropriate. During that age, it's the time na nag-eexplore ang mga bata. From that time na toddler period, aalis sila pero ang gusto nila, lagi sila nagre-recharge with mommy," paliwanag ni Cheng sa programang "Sakto" ng DZMM.

"So 'pag lingon nila, wala ang nanay, nakakagulat 'yon sa kanila, nakakatakot."

Kapag umabot na sa edad tatlong taong gulang pataas, ani Cheng, mainam na sanayin ang bata na mawalay sa magulang o nakasanayang tagapag-alaga.

"Kaya tayo nagsa-start ng daycare at around three to four years old kasi 'yon 'yong time na 'yong bata kaya na niyang tumagal ng around two to three hours na di nakikita ang nanay o primary care-giver," aniya.

"Habang tumatanda, nagde-develop, kaya tumatagal 'yong period na magkakaroon ng, kaya na niyang mawala sa tabi niya ang magulang o caregiver," dagdag ni Cheng.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipinapayo ni Cheng na para maibsan ang pangamba ng bata na mawalay sa magulang ay unti-unti siyang sanayin sa bagong paligid na gagalawan.

Maaari kasing bunga ang anxiety ng biglaang pagbabago sa kung ano ang nakasanayan ng bata.

"Sasamahan niyo (mga magulang) sila tuwing may orientation sa school, tuwing papasok. Kumbaga ituturo sa kanila... kasi isang makakapagpababa sa anxiety nila is 'yong tinatawag na familiarity," aniya.

Maganda rin aniyang agad ipakilala sa kanila ang mga makakasama sa bagong environment, gaya ng mga magiging tagapag-alaga o guro nila.

Mahalaga ring tuparin ng mga magulang ang mga ipinapangako sa anak nila kapag nahihiwalay dahil lalo kasi umanong nagdudulot ng pangamba sa bata kapag nasisira ang tiwala nito sa magulang.

KOLEHIYO, PAGSASARILI NG ANAK

Subalit hindi lang nalilimita sa mga bata ang "sepanx" dahil may mga sitwasyong nararanasan din ito ng mga nakatatanda, o parehong magulang at anak.

Halimbawa ay ang panahong kailangan umalis ng anak sa poder ng magulang para mag-aral ng kolehiyo sa malayong lugar.

Minsan ay hindi maiwasan ng magulang na mag-alala sa anak at mangamba rin ang anak na malayo sa magulang.

Ayon kay Cheng, minsan ay nagiging anxious lang ang magulang o anak dahil sa "vicarious learning," kung saan nagkakaroon ng pangamba ang isang tao hinggil sa bagay na hindi pa niya mismo nararanasan bunsod ng mga kuwentong paulit-ulit niyang naririnig mula sa iba.

"Wala ka pang experience na nakakatakot pero dahil lagi kang napagsasabihan, lalo ka tuloy kinakabahan," paliwanag ni Cheng.

Maaari ring maging anxious ang isang tao dahil nakokopya niya ito sa taong malapit sa kaniya, na tinatawag na "mirroring."

"Halimbawa ang nanay very anxious din, madaling maaligaga, natataranta palagi. Nakokopya ng bata 'yong reaction ng magulang kaya even if wala siyang ganung nararanasan... nabubuo 'yong takot sa kanila," ani Cheng.

"Empty nest syndrome" naman ang tawag sa kalungkutang nararamdaman ng mga magulang kapag nawawalay sa mga anak na nasa wastong edad na para magsarili.

"Kapag 'yon naman, more of depression and anxiety din na kinakabahan na wala nang kasama sa bahay," ani Cheng.

Ipinapayo naman ni Cheng sa mga anak na nagsasarili o pamilyado na na ugaliing dalawin ang mga magulang upang mapawi ang kanilang lungkot.

"Sana 'yong anak ay dumadalaw din o tumawag paminsan-minsan. Padalawin iyong mga apo," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.