Kaya mo ba ‘to? Halo-halo na gawa sa sili, salted eggs

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 04:23 PM

 

TARLAC CITY – Patok na patok ang panghimagas na halo-halo lalo na’t panahon ng tag-init.

Pero isang restaurant sa lungsod ang nag-aalok ng kakaibang bersiyon nito na may dagdag sahog na sili o kaya ay salted egg.

Ayon sa may-ari ng restaurant, nais nilang ipakilala sa mga Tarlaqueño ang iba't ibang lasa ng halo-halo.

"Para maiba naman kasi puro matamis 'yong halo-halo kaya nag-isip si Ben ng iba,” paliwanag ni Therese Castro, operations manager ng Ben’s Halo-Halo Ice Cream.

Simple lang ang ingredients ng halo-halo gaya ng mais, saba, macapuno, dinurog na white beans, leche plan at ube. Ang ice na inihahalo ay gelato ice kaya malapot ito na parang ice cream.

Ang mag-asawang Janet at Nonie de Leon ay sa Ben’s napiling mag-date. Swak na sa budget at masarap na pampalamig sa init ng panahon.

"Masarap. Ngayon ko lang nalaman na may spicy halo-halo pala,” sabi ni Nonie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.