Darna, ginawang musikal na 'Ding Ang Bato'

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 02:00 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Bago mapanood sa big screen ang latest version ng Darna, dadaan muna ito sa isang original stage musical na "Ding Ang Bato" na sinulat at dinirek ni Chris Millado at pagbibidahan ng De La Salle-College of St. Benilde Students Dance Program and Arts and Culture Cluster. 

Practice pa lang, buhay na buhay ang mga eksena gaya ng labanan na ito ng mortal enemies na sina Darna at Valentina.

Deaf-mute si Ding sa kuwento at sa kanyang mga mata makikita ang istorya ni Darna at pakikipagsapalaran nito laban sa kasamaan.

Kakaiba ang take na ito ng classic na istorya ni Darna na ipinaalam muna sa mga Ravelo at sa ABS-CBN.
 
"Unang meeting namin sa mga Ravelo, sabi nila alam niyo ba na touched kami na ginawa niyong deaf si Ding. Sabi namin, 'Bakit?' Dahil pala mayroon silang kamag-anak na malapit na malapit sa kanila na talagang ganoon. Kaya sabi nila talagang medyo na moved sila," ani Chris Millado na siyang director at writer.

Kahit na pinayagan na ng Ravelos ang bagong version na ito ng kuwento ni Darna, mahigpit pa rin daw sa ibang aspeto ng production, lalo na sa costume at look ni Darna.
 
"May pagka-istrikto ang Ravelo family at naintindihan natin 'yon dahil pinoprotektahan nila ang image ni Darna. Siyempre nilikha iyon ni Mars Ravelo at talagang itinuturing natin ito na unique superheroine," dagdag ni Chris.

Umaarte, kumakanta, sumasayaw at mag-sa sign language ang mga aktor sa entablado.

Isa pa ito sa mga aabangan sa production ng "Ding Ang Bato" para sa deaf mute na audience.

Kagabi, naganap ang gala performance ng “Ding Ang Bato” stage musical na dinaluhan ni Rex Ravelo, isa sa mga anak ng Darna creator na si Mars Ravelo na pinuri ang performance ng buong production.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.