Password sa social media account, dapat bang alam din ng asawa?

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 09:57 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May mga bagay at impormasyon sa pagitan ng mag-asawa o magkarelasyon na hindi naman kinakailangang ibahagi sa kabiyak, ayon sa isang family and marriage counselor.

Sa programang "Sakto" ng DZMM, sinabi ni Gilda Fortunata Altez na mainam na pag-usapan ng mga mag-asawa kung ano ang mga nais nilang isapribado hinggil sa kanilang sarili.

"Halimbawa, dapat alam mo 'yong password, dapat 'yong wallet ay puwede [mo nang] kalkalin. Hindi gano'n. Dapat may privacy ang bawat mag-asawa," sabi ni Altez.

"Mayroon tayong mga secret sa ating pagkatao na dapat sa'tin na lang," aniya.

Kung bukas naman ang magkarelasyon sa lahat ng bagay, ipinapayo ni Altez na huwag abusuhin ang ipinagkatiwalang katapatan.

Halimbawa ni Altez, kung pahihintulutan ng asawa na tingnan ang laman ng kaniyang pitaka ay huwag nang tangkaing kumuha rito ng palihim.

Ganoon din kapag ibinigay ang password sa social media account. "Hindi naman ibig sabihin na license na 'yon para 'pag halimbawa may biglang nag-message kay mister, mang-aaway ka na," aniya.

Mahalaga ring may kamalayan sa mga bagay na halatang nagdudulot ng away sa pagitan ng mag-asawa para maiwasan ito.

"Kapag ikaw ay may asawa na at halimbawa wala si mister sa inyong tahanan, 'di ka puwede magpapasok ng [ibang] lalaki sa inyong tahanan," paliwanag ni Altez.

"Mayroon din talagang mag-asawa na hindi kasi lumalagay sa dapat kaya pinagsisimulan ng away. Dapat maging aware."

Dagdag pa ni Altez, iwasan ng asawa ang paulit-ulit na pagbabato ng mga paratang dahil posible itong magtulak sa karelasyon na totohanin ang paratang, gaya ng pagtataksil.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.