'Beach body' ni Erich, paano na-achieve?

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 09:40 PM | Updated as of Mar 20 2018 09:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Marami ang humanga sa magandang hubog ng katawang ipinakita ni Erich Gonzales sa pelikulang "Siargao."

Sentro sa kuwento ng pelikula ang surfing kaya kinailangan ni Gonzales na sumailalim sa matinding pag-eehersisyo at diyeta para makamit ang nais na "beach body."

Ayon kay Gonzales, hindi naging madali ang ilang buwang pisikal na paghahanda kasama ang kaniyang trainer.

"Kunwari iyong shooting namin, call time is 7 a.m., gigising ako ng 4:30 [o] 5 a.m. para makapag-workout. Everyday po iyon," kuwento ni Gonzales.

Sinamahan pa ng weight training ang full body workout ni Gonzales para sa kaniyang mga kalamnan.

"It's not enough na maging skinny ka talaga. It's not about being payat, it's about 'yong health mo para magkaroon ng malusog na katawan," ani Gonzales.

Dahil abala, nasa 45 minuto hanggang isang oras ang workout ni Gonzales.

Kasabay nito, pili rin ang pagkain ni Gonzales.

"Protein diet lang. Like, chicken, eggs, walang sugar, walang salt... nuts lang, dahon-dahon."

Inamin ni Gonzales na nahirapan siyang umiwas sa mga matatamis, tulad ng tsokolate, dahil paborito niya itong kainin.

Ginamit na lang niya umano ang kaniyang imahinasyon para hindi matukso.

"[Kunyari] tsokolate 'tong kinakain ko, mindset din 'yan," aniya.

Sulit umano ang pagsasanay ni Gonzales dahil nakatulong din ito sa high-action role niya sa teleseryeng "The Blood Sisters."

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.