Second chance: 2 centenarian sa Sarangani, halos 70 taon nang nag-iibigan

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 12:52 AM

Magpi-pitumpong taon nang mag-asawa sina Matangcas at Fiyal Guitan, kapwa centenarian, o mahigit 100 taon ang edad. 

Isandaan at apat na taong gulang na si Matangcas, habang 102 naman si Fiyal parehong mga residente ng Glan, Saranggani.

Kapwa biyudo at biyuda ang 2 nang una silang nagkakilala noong 1950.

Tatlumpu't-anim na taong gulang pa lamang si Matangcas noon, habang 34 naman si Fiyal.

Ayon kay Matangcas, agad umanong tumibok ang puso niya nang makita si Fiyal, kaya't matapos ang isang linggong ligawan, napasagot niya si Fiyal at nagpakasal sila noong Setyembre 1950.

May tig-4 na anak ang dalawa sa kanilang mga unang asawa, at nagkaroon din sila ng 4 na anak.

Sa ngayon, aabot na sa 100 ang apo ng mag-asawa.

Para sa kanilang mga anak, susi sa matagal na pagsasama ng mag-asawa ang pagkakaintindihan at pagbibigayan.

"Nakita ko na puno talaga sila ng pagmamahalan," ani Canesio Guitan, anak ng mag-asawa.

"Di man gyud malikayan ang pag-aaway pero agad naman sila nagbabati," dagdag pa ni Julia Guitan.

(Hindi man maiwasan ang pag-aaway, pero agad naman sila nagbabati.)

Naniniwala si Matangcas na may inilaan ang Panginoon para sa kanila.

"Maghintay lang ug kung mahal mo gyud siya, trabahuon mo," aniya.

(Maghintay lang. Kung mahal mo talaga siya, paghirapan mo.)

Inspirasyon sa kanilang lugar ang mag-asawang Guitan, na isang halimbawa na posible ngang may forever.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.