ALAMIN: Magandang dulot sa mag-asawa ng madalas na pakikipagtalik

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 01:01 AM

Ipinaliwanag ni Dr. Bles Salvador ang mga magandang maidudulot sa katawan ng madalas na pagtatalik.

Sa kaniyang programang "Dra. Bles @ Ur Serbis" sa DZMM Teleradyo, tinalakay ni Salvador ang mga benepisyo ng regular na pagtatalik.

Aniya, maraming mga pag-aaral na nagsasabing nakatutulong sa pagpapatatag ng resistensiya ang pakikipagtalik.

Sa mga babae, nakatutulong din ang pakikipagtalik para mas mapalakas ang pag-control sa pantog (bladder control).

"Sa mga babaeng may edad na, 50, 60, ganyan, isa sa mga nagiging problema ay ang hindi na mapigilan ang pag-ihi. Pero, kapag regular ang inyong pagkakaroon ng sex, lalong lalo na kung kayo ay umaabot sa rurok ng kaligayahan, aba, talaga naman, ang bladder control sa mga babae ay nagiging OK na OK," paliwanag ni Salvador.

Nakatutulong din umano sa pagpapababa ng presyon ng dugo (blood pressure) ang pakikipagtalik dahil para itong isang ehersisyo.

"Nakita nila na sa regular na nagse-sex, hindi masyadong tumataas ang blood pressure... Kapag kayo ay nagtatalik, it counts as an exercise," ani Salvador.

Nababawasan din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso dahil sa pakikipagtalik.

"Kasi po 'pag nagse-sex o nagtatalik, maganda ang daloy ng dugo. So binobomba ng masaganang dugo si lalaki, si babae at pagkatapos ang risk ng pagbabara ng mga ugat ng puso, ng pagkakaroon ng heart attack, ay mas mababa," ani Salvador.

Dahil din sa magandang daloy ng dugo, mas nagiging malusog ang puso at mga ugat ng isang tao.

Bukod pa rito, nakatatanggal rin ng sakit sa kasu-kasuan o iba pang parte ng katawan ang pakikipagtalik.

"It lessens the pain, kung may sakit sakit kayo sa katawan, masakit ang paa, masakit ang tuhod. Aba, na-find out nila, napag-alaman nila, na ang regular na nagse-sex ay nawawala ang kanilang mga sakit sakit sa kasu-kasuan," paliwanag ni Salvador.

Sa mga lalaki, maaari ring bumaba ang tsansa ng pagkakaroon ng prostate cancer kung madalas na makikipagtalik.

"Sa mga lalaki, dahil sa regular na paglalabas ng semen at kasama na rin po doon 'yung mga unwanted toxins na naihahalo sa mga ari ng lalaki, kapag ito ay regular na nailalabas o nadidiskarga, sabi nga nila, it decreases the risk of prostate cancer," ani Salvador.

Nakatutulong din ang pakikipagtalik para mapaganda ang kalidad ng tulog at nakababawas sa stress at iba pang agam-agam.

"If you are under stress, mare-relieve ang inyong stress. Kung kayo ay may mga agam-agam, meron kayong iniisip na hindi maganda sa inyong buhay, mga proble-problema, para ngang mawawala lahat 'yun kapag kayo ay nagtatalik ng regular," ani Salvador.

Para sa mga nais magbawas ng timbang, maganda rin umanong uri ng ehersisyo ang pakikipagtalik.

"Ang tawag nga nila, 'sexercise'," ani Salvador. "Sa bawat kalahating oras ng regular na pagtatalik, ang nabu-burn niyong calories ay 108 calories. 'Di ba? Para na rin kayong nag-akyat baba sa hagdan ng ilang beses."

Bukod sa mga magagandang dulot sa katawan, nakakapagpatibay rin ng pagsasama ng mag-asawa ang madalas na pagtatalik.

"It improves the intimacy and the relationship between the man and the woman. It stimulates the release of the hormones. Ang hormone na ito, ang tinatawag na love hormone, ang oxytocin," ani Salvador.

Nakatutulong din umano ito para magmukhang mas bata.

"You look younger if you have sex regularly. Sabi daw nila, if you have (sex), like, 4 times in a week, ang perception daw ng mga tao ay you look like 7 up to 12 years younger," ani Salvador.

"Naturally, dahil maganda yung pangangatawan niyo, maganda 'yung nararamdaman niyo, bumaba ang presyon niyo, you live longer because you are more healthy."

Ayon din sa mga pag-aaral, mas ganado at aktibo ang mga tao matapos makipagtalik.

"After sex, parang mas active ka, mas ganado kang magtrabaho," ani Salvador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.