Paglaan ng pondo, CouchSurfing at iba pang travel tips para sa 2018

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 07:29 PM | Updated as of Jan 11 2018 09:07 PM

Diskarte at masinsinang pagpaplano ang susi sa matipid na pagbiyahe sa mga magagandang destinasyon sa bansa, giit ng isang travel blogger nitong Huwebes.

Pinabulaanan ni Rogelio “Gabz” Gabiano Jr., ang tao sa likod ng travel blog na Pinoy Travel Freak, ang paniniwalang para lang sa mga may pera ang pagbiyahe.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Traveling in the Philippines, it doesn’t need to be expensive," sabi sa DZMM ni Gabiano. "We’re very blessed and thankful kasi sa Pilipinas marami tayong puwedeng puntahan."

Inirekomenda ni Gabiano ang pagkakaroon ng "travel fund" na puwedeng paglaanan ng kahit maliit na parte ng buwanang sahod.

"More on daily [saving], so parang it's another saving aside sa pang-emergency," ani Gabiano, na naghuhulog umano ng P50 kada araw sa kaniyang pondong pambiyahe.

Kinakailangan din umanong maging madiskarte at matiyaga sa pag-abang ng mga bawas-presyo o "seat sale" ng mga kompanya ng eroplano, kaya payo ni Gabiano ay mag-subscribe sa email o social media account ng mga budget airline.

"Mas mura iyong mga flights sa weekdays usually," ani Gabiano.

Para hindi rin nabibigla sa gastusin, mahalagag magkaroon ng detalyadong itinerary. Isama na umano dito ang mga partikular na lugar na pupuntahan, pagkakainan, contact person, at maging ang pagtitirhan.

Mayroon na ring mga website para sa "hospitality service" tulad ng Airbnb at CouchSurfing, kung saan puwedeng umupa ng murang matutuluyan o libreng makituloy sa bahay ng iba.

Para sa mga nagbabalak bumiyahe ngayong 2018, narito ang listahan ng mga long weekend sa buong taon:

CHINESE NEW YEAR (Pebrero 16)
Biyernes, Pebrero 16 hanggang Linggo, Pebrero 18

HOLY WEEK (Marso 29 hanggang 31)
Huwebes, Marso 29 hanggang Linggo, Abril 1

ARAW NG KAGITINGAN (Abril 9)
Sabado, Abril 7 hanggang Lunes, Abril 9

LABOR DAY (Mayo 1)
Sabado, Abril 28 hanggang Martes, Mayo 1
Mag-file ng leave sa trabaho ng Lunes, Abril 30

ARAW NG KALAYAAN (Hunyo 12)
Sabado, Hunyo 9 hanggang Martes, Hunyo 12
Mag-file ng leave sa Lunes, Hunyo 11

NINOY AQUINO DAY (Agosto 21)
Sabado, Agosto 18 hanggang Martes, Agosto 21
Mag-file ng leave sa Lunes, Agosto 20

ARAW NG MGA BAYANI (Agosto 27)
Sabado, Agosto 25 hanggang Lunes, Agosto 27

UNDAS (Nobyembre 1 hanggang 2)
Huwebes, Nobyembre 1 hanggang Linggo, Nobyembre 4

BONIFACIO DAY (Nobyembre 30)
Biyernes, Nobyembre 30 hanggang Linggo, Disyembre 2

PASKO (Disyembre 24 hanggang 25)
Sabado, Disyembre 22 hanggang Martes, Disyembre 25

BAGONG TAON (Disyembre 31 hanggang Enero 1, 2019)
Sabado, Disyembre 29 hanggang Martes, Enero 1, 2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.