PNP: Tuli si 'Kulot'; pero ang bangkay, hindi

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 11:52 PM

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na dapat maibalik sa Nueva Ecija ang bangkay na lumabas sa pagsusuri na hindi ang 14 anyos na si Reynaldo de Guzman.

Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos, matapos mapatunayan sa DNA examination na hindi si alyas "Kulot" ang natagpuang bangkay, dapat munang tukuyin ang tunay na pagkakakilanlan nito.

Hindi aniya tamang ilibing ang nasabing bangkay na hindi naman si de Guzman.

Ayon din kay Carlos, nakadagdag pa sa pagpapatunay na hindi si Kulot ang bangkay dahil sa pahayag ng kapatid ni De Guzman na hindi tuli ang kanilang pinaglalamayan, gayong tuli raw si Kulot.

Bahagyang nagka-tensiyon nang kukunin sana ng isang pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP ang bangkay ni de Guzman sa Cainta, Rizal. 

Ani Police Chief Inspector Rix Villareal, mayroon siyang dalang request letter upang isailalim ulit sa isang examination ang bangkay para sa kanilang imbestigasyon.

Hindi na pumayag ang ama ni Kulot na si Eduardo "Eddie" Gabriel sa sinasabing re-examination sa bangkay at sinabing tila ginugulo ng mga pulis ang anak nila.

Giit niya rin, si "Kulot" ang nakaburol sa kanilang bahay.

Ikinuwento niya rin ang iba pang palatandaan ni "Kulot" sa katawan.

"Meron siyang... peklat, atsaka meron siyang kulugo dito sa ilalim ng tuhod. May patay na kuko rin siya sa hinlalaki," paliwanag ni Gabriel.

Dagdag pa niya, mayroong butas sa tainga ang batang si Kulot, taliwas sa sinasabi ng kaniyang anak sa media na walang butas sa tainga ang bata.

Nagpunta na sa Tajuna Funeral Homes ang mga magulang ni de Guzman kasama si Public Attorney's Office chief Atty. Persida Rueda-Acosta at ang ilang miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Inasikaso nila ang mga kailangang dokumento para sa libing ni Kulot sa Miyerkoles, Setyembre 13.

Itutuloy ang libing sa kabila ng inilabas na DNA test result ng PNP Crime Lab.

Ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation ang pagsasagawa ng DNA test sa bangkay

Sinasabing magkasama ang dating UP student na si Carl Angelo Arnaiz at si de Guzman nang huli silang makitang buhay noong gabi ng Agosto 17 sa Cainta, Rizal.

-- May ulat nina Jasmin Romero at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.