From Singapore with love: Ang breastfeeding journey ng long-distance mom

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2018 10:12 AM | Updated as of Jul 07 2018 02:58 PM

Migrant worker Felirose Bartolome seen here with her family. Contributed photo

MAYNILA - Higit pa sa gadgets o branded clothes ang kakaibang padala ng overseas Filipino worker na si Felirose Bartolome para sa kaniyang dalawang anak na naiwan sa Pilipinas.

Sa isang cooler na binalutan ng packaging tape, regular na nagpapadala si Bartolome ng mga bag ng kaniyang breastmilk sa kaniyang mga anak- tanda ng kaniyang pagmamahal, pagod at tiyaga kahit malayo sa pamilya. 

"Comforting for me emotionally dahil at least kahit malayo sila sa akin I am still providing them the best of me, my nutrients and antibodies in the milk," ayon kay Bartolome, na may 2-anyos at 6-buwang gulang na anak sa Pilipinas.

Bukod sa matipid kaysa sa formula milk, lubusang naniniwala si Bartolome sa mga natural na benepisyong idinudulot ng breastmilk sa kaniyang mga anak tulad ng pagpapatibay ng kanilang immune system.

Halos walong taon nang nagtatrabaho bilang medical technologist sa isang ospital sa Singapore si Bartolome.

Matapos manganak sa kaniyang panganay noong 2016, ginamit ni Bartolome lahat ng kaniyang naipong leave para makapiling ang anak at ma-breastfeed ito.

"Pinagawan ko agad-agad ang anak ko ng passport dahil gusto ko siyang mapa-breastfeed pa kahit another month so dinala ko siya sa Singapore agad," kwento niya.

Bilang ina, lalo na't nagpapasuso pa, mahirap umano ang mawalay sa anak.

"Alam mo 'yung bond niyong mag-ina especially 'pag nakatingin siya sayo habang nagmi-milk siya. Ayokong mawala 'yun, pero kailangan kong mag-work dahil breadwinner ako," sabi niya.

Matapos ang isang buwan, kinailangan ng kaniyang anak na bumalik na sa Pilipinas, kasama ang kaniyang ina. 

"Dahil madami talaga akong milk, nanghinayang ako mag-stop. Initially, balak ko sana mag-breastfeed 'til 3 months lang tapos na-extend dahil madami ako supply kaya ko naisip, why not send my milk sa Pilipinas?" aniya.

Kahit pa hectic, nagagawa pa rin ni Bartolome na mag-singit ng oras para makapag-pump ng gatas habang nasa trabaho. Sa bahay naman, regular din siyang nagpa-pump kada 3 hanggang 4 na oras. 

"Weekends also madalas ako mag-pump, even gumigising ako sa madaling araw para lang mag-pump," sabi niya.

Pero dahil normal na 2-door fridge lamang ang gamit niya, hindi maaring magtagal ng higit pa sa tatlong buwan doon ang kaniyang mga naipon na gatas. May pagkakataon din na namimigay siya ng kaniyang sobrang breastmilk at ipinapadala sa Pilipinas ang iba.

Iniipon ni Bartolome ang kaniyang breastmilk sa refrigerator at ipinapadala sa Pilipinas tuwing may pagkakataon. Contributed photo

Sa isang malaking cooler, 40 packs ng breastmilk na tig-180 ml ang nailalagay niya.

"Always check-in luggage, wala pa naman dito sa Singapore na puwede padalhan ng frozen product and mahirap kasi 'yung handling even though nakalagay sa magandang cooler box 'yung milk," sabi niya.

Tuwing may pagkakataon, ipinapadala ni Bartolome sa mga uuwing kaibigan ang mga naipong breastmilk para sa mga anak.

Hinihiling niya sa magbibitbit ng cooler na ikuha siya ng 20 kilos na extra baggage sa airline na sasakyan para makasigurado.

"Actually, di ko iniisip ang gastos while sending my milk, I have a supportive husband din kaya I just want to give myself sa mga anak ko through my breastmilk, kahit man lang 'yun maibigay ko kahit malayo ako sa kanila," sabi niya.

Sa isang selyadong cooler ipinapadala ni Bartolome ang mga pakete ng kaniyang breastmilk sa Pilipinas. Contributed photo

Pinipilit din niyang makauwi sa Pilipinas kada buwan para personal na madala ang ipong breastmilk. Kung hindi naman kaya, ang mga anak niya ang pumupunta sa Singapore kasama ang kaniyang ina.

Pandagdag sa supply niya ang madalas na pag-inom ng tubig, soup na kasama tuwing tanghalian at hapunan, fenugreek capsule, at lactation cookies.

Ito naman ang tips niya sa mga nanay na malayo din sa mga anak at nais na subukang magpadala ng kanilang naimpok na breastmilk:

  • Tiyaking matibay ang sterilized breastmilk bags na gagamitin
  • Huwag punuin ang bag dahil posible itong mapunit kapag frozen na
  • Ihiga ang bags ng breastmilk para makatipid sa espasyo sa freezer
  • Kung magpapadala, gumamit ng matibay na cooler lalo na't malaki ang posibilidad na ibato-bato ito tulad ng normal na bagahe sa airport 
  • Gumamit ng medical-grade gel type ice na puwedeng umabot hanggang 18 oras

Sa kaso niya, halos 14 oras inaabot ang biyahe ng kaniyang breastmilk mula Singapore hanggang sa kanilang bahay sa DasmariƱas, Cavite. 

Kasama na dito ang apat na oras na flight, pagpila sa immigration hanggang sa pag-claim ng bagahe, at biyahe ng kaniyang mga magulang na kumukuha ng padala mula Manila airport hanggang sa kanilang bahay na dedepende pa rin sa lagay ng trapiko.

"But so far, pagdating ng milk ko sa house still very frozen pa din siya. In the event na may natunaw na milk, 'yun ang unang ibibigay ng mommy ko sa baby ko," sabi niya.

Laking pasalamat naman ni Bartolome sa kaniyang mga magulang na sumusuporta at nag-uudyok pa sa kaniya tuwing dumarating sa puntong napapagod na siya sa kaniyang breastfeeding journey.

"Thank you sa lahat ng support na ibinibigay mo sa akin, sa lahat ng advice and wise words na sinasabi mo sa akin. Thank you for supporting my breastfeeding journey with my kids, ikaw pa ang nag-enganyo sa akin na ituloy ko lang at 'wag ako titigil habang may milk ako," pasalamat niya sa kaniyang ina. 

Mas gusto ng kaniyang ina na breastmilk lang ang ibigay sa kaniyang mga anak dahil hindi sila nagkakasakit, masigla at lumalaking smart.

"Salamat sa walang sawa na paga-alaga sa mga anak ko, sa pagyakap sa kanila sa gabi tuwing natutulog sila. Malayo man ako sa kanila dama pa din nila ang init ng yakap ko,” aniya. “Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagkakaroon ko ng very loving and supportive parents."
 
Para naman sa mga tulad niyang ina na nagtatrabaho, payo ni Bartolome:"Just keep on pumping, mommas!" Huwag sumuko at humanap ng paraan para makapag-pump ng madalas, aniya.

"Just look at your baby's photos and videos while pumping. Happy thoughts make more let down and eventually more milk," payo niya. 

Huwag umanong ma-stress lalo na ang mga nanay na nagtatrabaho pero nakakauwi sa kanilang mga anak.

"Unlike me, puro video call lang but still it gives me strength to keep on going," pahayag ni Bartolome.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.