Inspirasyon sa lansangan: Estudyante, 18, nagtuturo ng mga batang-kalye

Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 03:54 PM

Karga ni Tuazon ang isa sa mga batang tinuturuan niya. Kuha ni Ana Kristina Aguila Eraga

Kapwa bago ang sarili. Ito ang mensaheng isinasabuhay ni Dara May Tuazon, isang 18-anyos na estudyanteng hindi inaalintana ang init at usok sa kalsada, maging ang mga sariling gawain, makapag-turo lamang ng mga bata sa bangketa. 

Nagsimula si Tuazon sa pagtuturo ng mga paslit sa daan nang yayain niyang kumain ang 3 batang-lansangan na nakatambay sa labas ng isang convenience store malapit sa kanyang paaralan sa University of the East (EU).

Kuwento ni Tuazon sa radyo DZMM, sinabi sa kanya ng 3 bata na hindi sila pumapasok sa paaralan dahil sa kahirapan. Madalas din umano silang ma-bully ng mga kaklase kapag pumapasok sila nang hindi nakaligo o walang baon. 

"Doon na po nag-start na everyday nakakasama ko po sila. Minsan nga po sinusundo na lang po nila ako sa gate po kasi na-memorize na po nila ang schedule ko," sabi ni Tuazon. 

Kalaunan, nahikayat ang iba pang batang lansangan na sumama sa mga klaseng itinuturo ni Tuazon. 

Naging inspirasyon sa social media kamakailan ang litrato ng naka-unipormeng si Tuazon habang nagtuturo ng mga paslit sa daan. 

Mula nang mag-viral ang litrato, bingyan ng UE si Tuazon ng lugar para makapagdaos ng mga klase sa ilalim ng proyektong Bangketa UEskwela. 

Mayroon nang 15 volunteers at 30 estudyante ang proyektong patuloy na lumalago. 

Hawak ni Tuazon ang kamay ng isang bata habang nakikipag-kwentuhan sa kanyang mga estudyante. Kuha ni Ana Kristina Aguila Eraga

Kabilang sa mga volunteer teachers ng Bangketa UEskwela si John Raymond Lizaso. 

Aniya, "Sobrang saya ng feeling na nakakatulong ka sa ibang tao, without expecting na magkakaroon ng kapalit. Iyung mga batang yun, 'pagnakakasalubong mo sila sa labas, biglang magugulat ka na lang na may yayakap sa 'yo sa likod or may kakalabit sa 'yo na 'Teacher, ikaw po iyung nagtuturo sa amin sa labas.'" 

Buong-atensyong nakikinig ang mga estudyante ng Bangketa UEskwela sa isang kaklase. Kuha ni Ana Kristina Aguila Eraga

"Wala ka man lang nakukuha sa kanilang kapalit, natatandaan ka nila in a way na nakatulong ka sa ibang tao," dagdag ni Lizaso. 

Para sa mga interesadong lumahok sa proyekto, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Bangketa UEskwela. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.