NHA: 71 umokupa ng bahay sa Pandi, dati nang nabigyan ng pabahay

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 11:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala pang kasiguraduhan kung tuluyang mabibigyan ng pabahay ang lahat ng miyembro ng Kadamay na umokupa sa mga housing unit sa Pandi, Bulacan noong nakaraang taon. 

Ayon sa National Housing Authority (NHA), dadaan pa rin sila sa pagbeberipika lalo't nalaman nilang 71 sa 8,000 pamilyang naroon ngayon ay dati na pa lang nabigyan ng pabahay ng gobyerno. 

"'Yong pagsabi ni Presidente [Rodrigo Duterte] na 'ibigay sa kanila,' it was not... in general term, 'automatic sa inyo na,' kailangan pa ring dumaan sa proseso," ani NHA Chief of Staff Atty. John Christopher Mahamud.

Sa 5,287 pabahay na inokupa ng Kadamay, 3,295 lang ang units na nakalaan para sa informal settler families. 

Nasa 1,983 lang ang para dapat sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na ngayo'y ipamimigay din sa Kadamay.

Kaya panawagan ng NHA, isaalang-alang din ng grupo ang kapakanan ng iba pang pamilyang dumaan sa proseso ng pag-a-apply ng pabahay. 

"If truly Kadamay is fighting for the cause of the urban poor and the informal settler, they should fight for this cause without depriving also those belonging to the same sector," ani Mahamud.

Kaya mahalaga na masuri ang profile ng mga pamilya para malaman kung sino ang pinaka karapat-dapat na makatanggap ng pabahay.

Ayon naman sa Kadamay, dalawang beses lang silang binisita ng NHA sa Bulacan.

Mula noon hindi na raw sila kinausap. 

Bumuwelta rin ang grupo sa pahayag ng NHA na hindi patas sa ibang maralitang nag-aapply magkaroon ng pabahay ang kanilang ginagawa. 

"Ilang beses na kaming nagra-rally diyan para makausap sila [NHA], ayaw nila," ani Gloria Arella, Kadamay national president. "Mahihirap din 'yong mga pinag-aaway-away nila eh... pero kaming mga Kadamay, mga mahihirap ang ipinaglalaban namin."

Umaasa ang NHA na hindi na nila kakailanganing puwersahang paalisin ang mga miyembro ng Kadamay.

Umapela rin sila sa publiko na huwag tangkilikin ang sinumang nag-aalok ng housing units ng gobyerno dahil hindi ito legal. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.