Ilang 'senior,' balik-trabaho, pantustos sa taas-presyo dulot ng tax reform

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2018 06:24 PM | Updated as of Jan 09 2018 05:01 PM

Nakapila ang ilang senior citizen para tumanggap ng pensiyon mula sa DSWD sa Quezon City Hall, Hulyo 10, 2017. Photo by Mark Demayo

Dumadami ngayon ang senior citizens na bumabalik sa pagtatrabaho lalo na't pihadong tataas ang presyo ng ilang bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Kabilang sa mga muling nagtatrabaho ang senior citizens na sina Amelia Mendoza, 65 anyos, at Diwata Barrera, 64 anyos.

Kapwa sila nakuha ng isang senior employment program sa isang malaking mall sa Quezon City.

Nagsimula ang naturang programa noong 2013.

Para kina Mendoza at Barrera, malaking tulong ang programa ng mall para sa senior citizens dahil may dagdag silang pantustos sa gastusin. 

Ayon kay Mendoza, parang ehersisyo na rin niya ang trabaho sa mall.

Kuwento ni Barrera, nilalapitan siya ng iba pang senior citizen na interesado ring magtrabaho tulad niya.

Nagtatrabaho namang bilang part-time maritime instructor ang retiradong seaman na si Benjamin Razon, 64 anyos.

Aniya, malaking tulong na rin ang sahod sa pagiging instructor sa kaniyang natatanggap na buwanang pensiyon mula sa Social Security System (SSS).

Ayon sa SSS, makakatulong sa mga pensiyonado ang P1,000 umento sa benepisyo ng mga retiradong miyembro nito.

Bukas din naman ang SSS na lalong taasan pa ang buwanang pensiyon pero kailangan ding repasuhin muna ang halaga ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.

Ang problema, dumadami na ang mga senior. 

Ayon sa Commission on Population, aabot na ng mahigit walong milyon ang mga senior citizen ngayon taon.

Pero hindi lahat sa kanila ay pensiyonado. 

Base sa komisyon, 1.3 milyon lang ang senior citizens na tumatangap ng pensiyon mula sa SSS.

Sa sariling datos naman ng Coalition of Services of the Elderly, 3 milyong senior citizens sa bansa ang walang natatanggap na pensiyon.

Kaya sinimulang isulong noong nakaraang taon sa Kamara ang panukalang batas na Universal Social Pension Bill.

Layunin nitong House Bill na mabigyang pensiyon ang lahat ng senior citizens.

Ayon sa grupong Federation of Senior Citizens' Associations of the Philippines, dumami na ang mga trabahong puwedeng pasukan ng mga matatanda matapos ipatupad ang Anti-Age Discrimination Act ng Labor department noong 2017.

Sa Quezon City, tinatayang 1,000 senior citizens ang ngayo'y nagtatrabaho sa iba't ibang establisimyento.

Nagbibigay rin ang pederasyon ng ayudang pinansiyal para sa mga lolo't lolang gustong magsimula ng maliit na negosyo, tula d ng karihan o tindahan.

Binibigyan din ng short courses ang senior citizens na puwede nilang gamitin sa bagong kabuhayan.

Sa pamamagitan nito, inaasahang makakaagapay rin ang senior citizens sa mga pagbabagong dala ng TRAIN law.

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.