Pakikiramay, bumuhos sa unang araw ng burol ni Hashtag Franco

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 10:07 PM

Patuloy na iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard ang pagkamatay ng miyembro ng Hashtags na si Franco Hernandez. 

Ito'y matapos malamang walang suot o dalang life jacket ang grupo nina Hernandez nang tumungo sa dagat sa may North Lamidan, Davao Occidental noong Sabado, Nobyembre 11.

Namatay si Hernandez nang mahulog sa dagat matapos tamaan ng malakas na alon ang kanilang bangka.

Kasamang nagpalutang-lutang ni Hernandez ang nobya na nakaligtas naman sa insidente. 

Samantala, nakaburol na si Hernandez sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.

Nitong Martes, panay ang iyak ng nobya ni Hernandez na si Janica Nam Floresca.

Inalala naman ng ina ng mananayaw na si Marissa Lumanlan ang masasayang sandali ng kaniyang anak. 

"Si Franco is very loving, lalo na sa family niya, especially sa sister niya. Isa lang ang kapatid niyang babae. The last na (ginawa) niya bago siya namatay, nagbigay pa siya ng sandwich sa kuwarto niya and he texted his sister, 'May sandwich ako para sa iyo, I love you.' He's very loving. Even to me nagte-text siya, 'Good night, I love you,'" kuwento ni Marissa.

Hindi makakalimutan ng ina ni Hernandez ang huling pag-uusap nila ng anak bago umalis.

"Sabi lang niya na pagod na pagod lang siya, that's why he needs a break. He's going on a four-day vacation," ani Marissa.

Sa Biyernes, Nobyembre 17, nakatakda ang cremation ni Hernandez.

Nagpasalamat naman ang kaniyang pamilya sa lahat ng nakiramay at nagpakita ng pagmamahal sa "Hataw Heartthrob."

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.