Moira dela Torre, umamin na dating anorexic

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 01:29 PM

MANILA -- Inamin ng singer-composer na si Moira dela Torre na ang pagkakaroon ng eating disorder o anorexia nervosa noong siya ay bata pa ang naging daan para sa paagsusulat niya ng mga kanta. 

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, nagbalik-tanaw si Moira sa pinagdaanan na nagsimula dahil sa pambu-bully. 

Aniya, nagsimula ang problema sa pagnanais na pumayat dahil sa ginagawang panunukso sa kanya sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.

"Noong 12 po kasi ako naging anorexic ako for six months... 'Yung sa akin po kasi ay naging secret. Parang na-define na lang siya later on noong in-admit ko sa psychiatrist ko before na hindi ako kumain for four months," ani Moira. 

"After that parang kailangan ko ng outlet. So 'yung araw na nag-decide ako na kakain na ulit ako, doon din ako ulit nagsulat at hindi na ako tumigil." 

Ayon pa kay Moira, isang awit para sa Diyos ang una niyang naisulat.

"It was really like a surrender (song) kasi pagkatapos kong mag-anorexic naisip ko hindi pala maso-solve ng crush ko 'yung problema ko," aniya.
 
Sa ngayon, ibinahagi ni Moira na may 400 awit na siyang nalikha kabilang na ang "Malaya."

Dating "The Voice of the Philippines" contestant si Moira na napiling umawit ng official theme song ng pelikulang "Love You to the Stars and Back" na "Torete."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.