Xander Ford, kinuha ang pangalan sa idolong si Daniel Padilla

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 10:32 AM

MANILA - Ibinahagi ng social media sensation na si Xander Ford o dating kilala bilang Marlou Arizala ang kuwento sa bago niyang pangalan.

Sa pagbisita nito sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Xander na may kinalaman ang kanyang idolo na si Daniel Padilla sa kanyang bagong screen name.

"Noong bata ako nangarap ako na sana maging katulad ako ng idol ko na si kuya Daniel Padilla. Kasi si kuya Daniel ay Daniel John Ford Padilla po. Tapos idol ko siya, eh dapat po kakaiba, binuo ng manager ko yung Xander tapos kinuha ko yung Ford, pinagsama namin kaya Xander Ford," ani Xander.

Isa sa mga host ng "Magandang Buhay" si Karla Estrada, ina ni Daniel. Natuwa naman si Karla sa paghanga ni Xander Ford sa kanyang anak.

"Nakakatuwa, nakaka-flatter yon. Kasi hindi ba masarap naman yung ikaw yung dinadala ng ibang tao. Ibig sabihin gusto ka," ani Karla.

"No problem" naman ang sagot ni Karla nang hiritan siya ni Xander Ford kung maaari siya nitong tawaging "Mommy Karla."

Naging game din si Karla na makuhaan ng larawan kasama si Xander Ford para makita kung may pagkakapareha na ba sila ng huli.

Hiling pa ni Xander na kung bibigyan ng pagkakataon ay nais niyang makasama sa proyekto ang anak ni Karla na si Daniel.

Ilang linggo pa lamang ang nakakaraan nang magpakita si Xander Ford sa publiko matapos niyang sumailalim sa plastic surgery kung saan ipinaayos niya ang kaniyang ilong, baba, labi, ngipin, at kilay.

Unang nakilala si Marlou bilang miyembro ng Hasht5, isang grupo ng kabataang entertainers na pumatok noon sa social media.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.