Karla, suportado ang Richard-Angel love team sa 'La Luna Sangre'

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 12:31 PM

MANILA -- Nagpahayag ng suporta si Karla Estrada sa tambalan ni Angel Locsin at Richard Gutierrez sa seryeng "La Luna Sangre" na pinagbibidahan ng kanyang anak na si Daniel Padilla at leading lady nito na si Kathryn Bernardo.

Nitong Huwebes sa "Magandang Buhay," ibinahagi ni Karla na natutuwa siya sa matatag na tambalan ng kanyang anak at ni Bernardo at pati na din sa pagbabalik-tambalan ni Angel at Richard para sa sikat na serye ng ABS-CBN.

"Ang laging aking hinahangaan ay 'yung tandem ni Kathryn at Daniel. Ever since never naghilaan pababa. Talagang ang tandem nila ay solid. Hindi 'yan perfect, mayroong mga tampuhan minsan dahil 'yun ang nagpapalalim ng pagsasama, 'yung mayroon kayong argumento. Pero higit sa lahat ay 'yung kanilang samahan, 'yung tandem na for six years now ay priority ang trabaho, never naapektuhan ang trabaho. Kasi 'yun ang number one at obilgation to your supporters, ang lumabas kayo ng maayos," ani Karla.

"Of course, ang ating bagong tandem ngayon na kasama din nila sa 'La Luna Sangre' si Ms. Angel Locsin at Richard Gutierrez. 'Yung apat na 'yon ay close, maayos sila, maganda ang tandem nila sa loob ng 'La Luna Sangre.' Sila po ay nagkakasundo at masayang magkakasama," pahayag ni Karla.

Matatandaang una nang sinabi ni Angel na suporta at tulong ang hatid niya sa tambalan nina Kathryn at Daniel sa pagpasok niya muli sa serye bilang si Jacintha Magsaysay.
 
"Huwag po kayong mag-alala: ito po ay show ni Kathryn at Daniel. Kung anuman po ang mangyayari dito at mga bagong nagaganap ay para sa kanila. Lahat po tayo ay nagtutulungan at wala pong kompetensiya dito," ani Locsin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.