'ASAP TLC': Kapansanan sa pananalita at pandinig, nadaig para sa iniibig

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2018 06:08 PM | Updated as of Aug 19 2018 09:05 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Para kay Erickson Galura, hindi naging hadlang sa pag-iibigan nila ng nobyang si Jannyl Rivera ang kapansanan nito sa pandinig at pananalita.

Sa katunayan, nagpursigi pa si Galura na matuto ng sign language upang lubusang maunawaan si Rivera, isang hearing-impaired.

Ibinahagi ng dalawa ang kanilang kuwento sa "TLC" segment ng "ASAP" nitong Linggo, tampok si Rufa Mae Quinto bilang guest host.

Kuwento ni Galura, sa Maynila naninirahan ang kaniyang pamilya pero linggo-linggo silang umuuwi sa Pampanga para bisitahin ang mga kaanak. Doon din niya nakilala si Rivera.

"Na-love at first sight ako sa kaniya," ani Galura.

"Pinupuntahan ko pa siya sa Pampanga every week para lang maka-bonding siya," aniya.

Napamahal naman si Galura kay Rivera dahil sa mga pagsisikap niya para sa babae, gaya ng lingguhang pag-uwi ng Pampanga at pag-aaral ng sign language.

Nang matuto ng sign language, naging personal interpreter ni Rivera si Galura at nag-volunteer din ito sa organisasyon ng mga deaf-mute sa Pampanga na kinabibilangan ng nobya.

Dalawang taon nang magkasintahan ang dalawa pero inamin ni Galura na may mga kaanak pa rin siyang hindi tanggap si Rivera dahil sa kondisyon nito. Sa kabila nito, nangako si Galura na patuloy na ipaglalaban ang nobya.

"Nagulat sila kasi si Jannyl nga, deaf, so ayaw nila. Sa 'kin okay lang, wala naman problema. Patuloy ko siyang pinaglalaban," ani Galura.

"'Yong love kasi 'pag naramdaman mo 'yan, totoo 'yan so continue mo lang 'yan. Ipaglaban mo, huwag mo ikahiya," dagdag niya.

Inalay nina Erik Santos, Daryl Ong, Gary Valenciano, Kyla, Angeline Quinto at Roselle Nava ang kantang "More Than Words" ng Extreme para sa dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.