Piolo, ibinahagi ang aabangan sa pagtatapos ng 'Since I Found You'

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 12:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Humarap sa entertainment media ang ilan sa lead stars ng teleseryeng "Since I Found You" na pinangungunahan ni Piolo Pascual.

Mapapanood na mamayang gabi ang huling bahagi ng palabas at inamin ni Piolo na pinaghandaan niya ang eksena kasama ang award-winning actress na si Charo Santos na gumaganap bilang nanay niya.

"Ang thick kasi ng conflict namin. You know as an actor, nahihirapan ako to look down on your mom. Kailangan ng closure, 'yan ang isa sa ire-resolve natin, hopefully," ani Piolo.

Matapos ang "Since I Found You," haharapin na ni Piolo ang "Children of the River" na magsu-shooting sa Marawi.

Bukod sa aktor, producer si Piolo sa project at sumasailalim siya ngayon sa matinding immersion para sa kanyang papel bilang sundalo.
 
"Training kami sa AFP, training kami sa battlefield. Simulation, firing, tapos 'yung teamwork. So dadalhin namin doon," ani Piolo.

Marami nang napatunayan si Piolo sa kanyang acting career, at isa sa hinihintay ng kanyang fans ay ang muli nilang pagtatrabaho ng dating ka-tandem na si Judy Ann Santos.

Naisulat na ni direk Antoinette Jadaone ang pelikula at umaasang mag-shooting na sa lalong madaling panahon.
 
"Tagal na 'yan, naghihintay lang kami ni Tonet. Sana mangyari bago pa kami tumanda ni Juday. Matanda na nga kami, hindi pa nangyayari. Sana talaga, naghihintay lang ako," ani Piolo.
 
Bukod kay Juday, bukas din ang option ni Papa P na makasama sa isang project ang ex-girlfriend na si KC Concepcion.

Sa nakaraang interview kay KC, walang kaso sa kanya na makatrabaho ang mga naiugnay sa kanya noon, at ganito rin ang reaksiyon ni Piolo.

"Napakaliit ng mundo, okay naman 'yon. Siyempre naman, wala naman tayo dapat na kaaway, at wala naman tayo dapat nililimitahan sa sarili natin. Okay lang, oo naman. That would be good, that would be nice," ani Piolo.
 
Dalawang pelikula at isang US tour kasama ang anak niyang si Inigo Pascual ang mga nakalinyang gagawin ni Piolo ngayong 2018.

Thankful ang aktor sa isa na namang matagumpay na taon sa kanyang career.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.