'Mapapagod din sila': Julia, ayaw nang pumatol sa bashers

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 11:58 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- "Mapapagod din ang bashers." Ito ang paniniwala ni Julia Barretto na biktima rin ng bashing sa social media.

Nitong Biyernes sa pagbisita sa "Magandang Buhay" kasama ang leading man na si Joshua Garcia, sinabi ni Julia na ang tanging dahilan lang na papatol siya sa basher ay kung idinadamay na ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina na si Marjorie Barretto.

"Ako okay sa akin na ako ang i-attack, ako ang tamaan sa lahat. Pero kapag pamilya ko na, lalo na 'yung mom ko, kapag mom ko na ang tinatamaan, doon na ako parang nagiging affected. Doon na ako kailangang sumagot, kailangang ilugar na itong basher na ito," aniya.

Pero naniniwala si Julia na darating din ang panahon na titigil na ang mga bashers nila.

"Pero after a while, napapagod din ang basher sa pangba-bash sa iyo. Ganun pala 'yon, napapagod din pala ang isang tao, so let them bash and bash. And at some point kapag wala silang makuhang reaction from you ay napapagod sila at gumi-give up sila sa pangba-bash, so tumatahimik din," aniya.

Samantala, ang pagiging tamad ang isa sa mga masasakit na salitang narinig ni Joshua Garcia sa bashers.

Ayon kay Joshua, tumatak ang naging aksiyon niya noong siya ay nasa loob pa ng Bahay ni Kuya. 

"'Yung pagiging tamad ko sa 'PBB.' Grabe, makasalubong ko lang, [sasabihin sa akin] ikaw 'yung tamad sa 'PBB.' Ganun 'yung sinasabi nila sa akin. Ngayon napatunayan ko na, na hindi ako tamad," aniya.

"Ngayon, tulog sa pagod," dagdag ni Joshua.

Bumisita sina Joshua at Julia" sa "Magandang Buhay" para anyayahan ang publiko na panoorin ang kanilang pelikula na "I Love You, Hater" kung saan kasama nila si Kris Aquino.