Kathryn, Daniel, lumipad pa-Netherlands para sa pelikula

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 05:17 PM | Updated as of Jul 12 2018 09:12 PM

MAYNILA — Tumulak noong gabi ng Miyerkoles papuntang Netherlands sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla para mag-shoot ng ilang eksena sa kanilang nalalapit na pelikulang "The Hows Of Us."

Walong araw mananatili ang dalawa sa Netherlands, na tagpuan umano ng ilang mahahalagang eksena sa pelikula.

"Ipapakita lang natin 'yong, siyempre, ganda ng Netherlands din pero at the same time, siyempre bibigyan natin ng kulay kung bakit din kami nandoon ni Kathryn," sabi ni Padilla.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sakaling mabigyan ng pagkakataon, nais umano ng dalawa na makapag-ikot doon.

"Sana gusto namin mapuntahan 'yong kay Anne Frank din. Marami daw maganda. Pati Cheese Factory, pinuntahan ko 'yan before, gusto ko makita ni DJ 'yan," ani Bernardo.

"Mga galleries," dagdag naman ni Padilla.

Paksa umano ng "The Hows Of Us" ang mga magkarelasyon at ang kanilang mga dahilan kung bakit pinipili nilang manatili sa pagsasama makalipas ang ilang taon.

Direktor ng pelikula si Cathy Garcia Molina, na minsan nang nakasama nina Padilla at Bernardo sa mga proyekto gaya ng 2013 seryeng "Got to Believe" at 2014 pelikulang "She's Dating the Gangster." -- May ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.