'Dancing tindera' ng Cebu, handang makipag-showdown kay Vice

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 08:37 PM

Handa raw ang 'dancing tindera' ng Cebu sakaling hamunin siya ng kanyang idolo na si Vice Ganda sa isang showdown. 

Sakaling mabigyan ng pagkakataong makaharap ang comedian-host, handa na si Mary Rose Ditsos na makipag-dance showdown.

"Baka gusto niya hamunin ako ng showdown, why not? Ready ako," ayon sa 20 anyos na may mga videos na viral sa social media. 

Nauna na ring inamin ni Ditsos na kumukuha siya ng inspirasyon sa mga sayaw ni Vice Ganda. 

"Sinusunod ko talaga 'yung mga sayaw niya minsan," aniya.

Kasalukuyang may mahigit 2.3 milyong views na ang video ni Ditsos na sumasayaw sa loob ng binabantayan niyang sari-sari store ng kanyang pinsan.

Ngayon ay may bago naman siyang viral video kung saan sumasayaw naman siya sa saliw ng hit song na 'Despacito'.

Hindi inaasahan ni Ditsos na papatok ang kanyang mga video, na ngayon ay umabot na rin ang kasikatan sa Thailand.

"Parang wala po sa akin, upload-upload lang... 'Di po ako makapaniwala, natuwa rin po ako. Hindi ko in-expect na ganito mangyayari," aniya.

Dumami na rin ang kanyang followers sa Facebook, ngunit kasabay nito ang pagdami rin ng bashers. Gayumpaman, hindi ito inaalintana ni Ditsos.

"Mali po ba 'yung magpasaya ng tao? Basta may napapasaya akong iba, masaya na rin ako."

-- may ulat ni Pia Regalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.