Huling tibok ng 'My Dear Heart', kasalang 'TonDeng', inaabangan

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 08:54 PM

Ngayong gabi ng Biyernes, dalawa ang aabangan sa mga teleserye -- ang makabagbag-damdaming pagtatapos ng 'My Dear Heart' at ang romantikong kasalan ng 'TonDeng' sa 'A Love to Last'.

Heartbreaking para sa fans 'My Dear Heart' ang pagtatapos ng serye. Ayon sa cast, tagos sa puso ang ending. 

Matapos man ang serye, ikinuwento ng mga bida na magagandang bagay ang nabuo at nagsimula sa 'My Dear Heart'.

Nagsisilbing inspirasyon sa maraming tumangkilik sa seryeng 'My Dear Heart' ang kuwento nito ng labis na pagmamahal sa pamilya.

Isang pamilya ang nabuo sa seryeng ito sa likod at harap ng kamera.

Sa thanksgiving ng 'My Dear Heart', ikinuwento ng cast kung gaano kagaan at kasaya ang set nila.

Bibong bibo na sumampol ng pagsayaw ang mga batang bida na sina Heart at Enzo. Ibinida rin ni Enzo ang talento nito sa paggaya maging sa kanilang mga direktor.

Seryoso man at malalim ang mensahe ng 'My Dear Heart', hindi pa rin nawawala ang kanilang playtime, kuwento nina Connie Reyes at Heart.

Sa pagtatapos ng serye, mayroon nga kayang nagsimula para kina Zanjoe Marudo at Bella Padilla?

"Mayroon po. Friendship. Ngayon kasi, ang estado namin, taguan ng feelings. Masyado kasi kaming, lalo na na ngayong patapos kami, 'yung commitment namin dito sa show, kailangan talaga buo," ani Marudo. 

Ilang beses na kasing nagkataon na nagkasama sa out-of-town trips sin Marudo at Padilla. Mapaglaro ang naging pagsagot ng dalawa ukol dito. 

Happy ending man o hindi ang finale ngayong gabi ng serye, siguradong mami-miss ng cast ang isa't isa at tatagos ito sa puso ng mga manonood. 

Pasilip sa isusuot sa 'TonDeng' wedding

Mapapanood na rin ang pinakaaabangang kasalang 'TonDeng' sa 'A Love to Last'.

Aligaga at excited na ang lahat para sa 'wedding of a lifetime' ng TonDeng.

Mismong ang batikang designer pa na si Albert Andrada ang nagkonsepto ng susuoting gown ni Andeng na ginagampanan ni Bea Alonzo.

"She is from Batangas. She's a very simple girl, so the details of her gown are very simple but elegant. She wanted a closed neck wedding gown and extended wedding sleeves. I showered it with small flowerettes," paglalarawan ni Andrada. 

Dahil events coordinator si Andeng, hands-on siya sa bawat detalye ng kanyang kasal.

"Exciting and exhausting; parang naiintinidihan ko na kung bakit sabi nila exhausting mag-prepare ng isang wedding, but it's been fun," ayon kay Alonzo. 

Tulad ng traditional na trahe de boda, simbolismo ng purity ang kulay na puti para sa bride.

Puti rin ang napiling kulay ng suit ng karakter ni Ian Veneracion na si Anton na dinisenyo ng Pinoy designer na si Rodel Briñas.

Mabusisi rin ang pagpili pati sa kulay at arrangement ng bulaklak sa kasalan.

"Peach and white - favorite ni Andeng na kulay. Gusto ni Andeng na simple ang motif and design para intimate ang wedding," ayon sa production designer na si Winston Acuyong. 

Ipalalabas pagkatapos ng 'My Dear Heart' ngayong Biyernes ng gabi ang pag-iisang dibdib ng 'TonDeng'.

-- Ulat ni Marie Lozano at Gretchen Fullido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.