Shanti Dope, nape-pressure sa kasikatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 04:31 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kabila ng patuloy na pagyabong ng kaniyang karera, inamin ng rapper na si Shanti Dope na naging mas maingat siya sa kaniyang pananalita mula nang mas nakilala ng publiko.

Sa episode ng "Tonight With Boy Abunda" noong Miyerkoles, tinanong ang 17 anyos na rapper kung nakararanas ba ito ng pressure sa tinatamasang kasikatan, lalo at marami ang tumitingala sa kaniya.

"Opo, medyo mas nagiging mapili ako sa sasabihin ko at saka 'di na tulad ng dati na lahat ng gusto mo sabihin, mapagusto nila o hindi pero gusto mo mag-express, susulat mo lang siya," paliwanag niya.

Ayon pa kay Shanti Dope, na ang tunay na pangalan ay Sean Patrick Ramos, natuto rin siyang maging handa na ipagtanggol sa iba ang kaniyang mga sinasabi.

"Dapat alam mo siya i-explain sa tao kung bakit mo nasabi iyon," aniya.

Napukaw ni Shanti Dope ang pansin ng publiko mula nang mag-viral ang awitin niyang "Nadarang," na tungkol sa mapanuksong pag-ibig na nararamdaman ng mga kabataan.

Palagay niya ay kaya tinatangkilik ang kaniyang mga kanta ay dahil marami ang nakaka-relate dito.

"'Yong interaction na lang din kasi pare-pareho lang naman kaming umaano sa araw-araw na ano ng buhay na na-experience din nila," sabi niya.

Sinagot din ni Shanti Dope ang mga nambabatikos sa ilan niyang mga awitin dahil sa umano ay mga "bulgar" nitong salita.

"Para sa'kin, sa totoo lang, may part ng rap na for fun lang. 'Di naman ako laging may galit sa mundo, 'di ako laging malungkot. At saka nasa pagtanggap ng tao 'yon kung tatawanan nila o magagalit sila," aniya.

Kasama ni Shanti Dope sa "Tonight With Boy Abunda" ang batikang rapper na si Gloc-9, na bumisita sa programa para i-promote ang kaniyang extended play na "Rotonda."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.