'Ang Probinsyano': Cardo at Alyana, magpapakasal na

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 11:25 PM

Hindi naging madali ang pag-iibigan nina Cardo (Coco Martin) at Alyana (Yassi Pressman). 

Una pa lamang ay marami na silang pagkakaiba. Si Cardo ay isang pulis na naghahanap ng katarungan, samantalang si Alyana naman ay isang reporter na naghahanap ng katotohanan. 

Ngunit dahil sa ilang ulit nilang pagsasama sa mga misyon, unti-unting umusbong ang kanilang relasyon. Napansin nila ang kanilang dediksayon sa trabaho, at napili nilang tulungan ang isa't-isa upang hanapin ang katarungan at katotohanan. 

Ilang ulit man silang muntik paghiwalayin ng tadhana, nagpatuloy ang pagmamahalan nina Cardo at Alyana. Sa hirap at ginhawa, nanatiling matatag ang tandem nila sa pagsugpo sa mga tiwaling opisyal at paglaban sa mga sindikato. 

Pero dumating na ang panahon na ang kanilang mga sarili naman ang dapat nilang isipin. Sa kagustuhan niyang lumagay na sa tahimik, napagdesisyunan ni Cardo na yayain si Alyana magpakasal.

"Ito na ang tamang oras para makabawi ako sa iyo at sa pamilya ko," ani Cardo. "Alyana, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto ko na sanang makasama ang babaeng pinakamamahal ko, at ang babaeng magiging ina ng mga anak ko." 

Napaluha sa tuwa si Alyana dahil matagal na rin niyang hinihintay ang sandaling iyon. Kaya naman walang patumpik-tumpik niyang inabot ang kanyang kamay at tinanggap ang singsing na tanda ng kanilang nalalapit na pagpapakasal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.