Ang tamis: Ilang sikat, nagkuwento sa masayang love life

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 09:20 PM | Updated as of Feb 14 2018 09:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hitik sa pag-ibig ang panahon ng Valentine's Day ngayong taon para sa ilang makislap na pangalan sa showbiz.

Nitong Miyerkoles, nagbahagi ng maikli pero matamis na mensahe si Enrique Gil para sa kaniyang katambal na si Liza Soberano.

Nag-post si Gil sa Instagram ng retrato nila ni Soberano at tinawag niyang "my forever" ang dalaga.

Plano ni Gil na magkaroon pa rin sila ng Valentine's Day date ni Soberano kapag nalibre sila sa taping ng inaabangan na teleseryeng "Bagani."

Umamin naman si Gil hinggil sa estado ng kanilang relasyon.

"Parang kami na, parang ang sarap ng feeling may kasama ka sa Valentine's Day," ani Gil.

"Pero I respect her lolo, may promise kasi siya sa lolo niya, 23, 24? Puwede na siyang mag-boyfriend," dagdag ng aktor.

Inamin naman ni Angel Locsin na sila na ng producer na si Neil Arce.

"We're together," aniya. "I'm just happy na nandiyan siya sa tabi ko."

Ito ay sa gitna ng pangungulit sa kaniya ng mga mamamahayag sa Film Development Council of the Philippines Awards kamakailan.

Pitong taon nang kilala ni Locsin si Arce, na dating nobyo ni Bela Padilla.

Noong Bagong Taon, nagmensahe pa si Locsin na "best part" ng kaniyang 2017 ang ma-in love siya kay Arce.

Hindi naman uso kay Erich Gonzales ang Valentine's Day sa gitna ng paglalagare niya sa seryeng "The Blood Sisters" at pelikulang "The Significant Other."

Napagtanto ni Gonzales na hindi niya kailangan ng lalaki para maramdamang buo siya. 

"Puwede naman tayong ma-inspire sa ibang bagay, hindi naman natin nakukuha 'yan sa isang relasyon," ani Gonzales.

Iginiit din ni Gonzales na hindi pa niya naibibigay ang kaniyang matamis na "oo" sa isang erederong manliligaw.

Ikatlong beses namang magdiriwang ng Valentine's Day ng football player na si Phil Younghusband at ng kaniyang fiancé na si Mags Hall.

Noong Pasko nag-propose si Younghusband sa harap ng pamilya ni Hall sa England. 

Taong 2015 nang magkakilala ang dalawa at nabuo ang kanilang pag-iibigan dahil sa hilig sa pag-eehersisyo.

Balak ng dalawa na magpakasal sa darating na taon sa isang seremonya sa England at isa rin sa Pilipinas.

-- Ulat nina Mario Dumaual at Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.